Nagbigay ng pahiwatig ang sikat na television host na si Willie Revillame ng kanyang kahandaang sumabak sa politika.
Sa katatapos lamang na prayer rally sa Davao City, binanggit ni Revillame na hiniling sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa Senado noong 2022.
“Isang karangalan po sa akin na bilang isang TV host, ay maalok ng isang Presidente ng Pilipinas na magsilbi sa bayan. Ang sabi niya [pertaining to Duterte] mahal ka ng tao, pareho tayo mahal natin ang mga kababayan natin, kailangan ka namin sa senado,” aniya.
Gayunpaman, dahil sa kanyang mga TV show commitment noong mga panahong iyon, sinabi ni Revillame na hindi siya handa at tinanggihan ang alok ni Duterte.
Sinabi ni Revillame na pinag-iisipan niya ngayon ang posibilidad, bagama’t hindi pa niya opisyal na kinumpirma na sasali siya sa 2025 senatorial race. Nagpahiwatig siya sa kanyang mga intensyon.
“Palagay ko, handa na ako. Handa akong gumawa ng kabutihan, handa akong magsilbi hindi lang sa bayan. Handa akong magsilbi sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong,” pahiwatig niya.
Binanggit din ni Revillame na si Duterte ang personal na humiling sa kanya na sumali sa nasabing rally.
Ayon sa “Tugon ng Masa” survey na isinagawa ng OCTA Research mula Disyembre 10 hanggang 14 at inilabas noong Enero 2, si Revillame ay nasa ika-13 hanggang ika-24 na pwesto sa senatorial preferences para sa 2025.
Samantala, ang mga front-runner para sa 2025 midterm senatorial elections ay iniulat na kinabibilangan ng Deputy Majority Leader at dating social welfare secretary na si Erwin Tulfo, kasalukuyang Senador Bong Go, at dating Manila mayor at presidential aspirant Isko Moreno.
Photo credit: Facebook/Wowowin2023Official