Kinondena ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang karumal-dumal na pagsabog na naganap sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, kung saan nagaganap ang isang misa. Ang naturang pagsabog ay nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao at malubhang pagkasugat ng marami pang iba.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Lapid na walang puwang sa lipunan ang ganitong uri ng karahasan. Tinukoy niya ito bilang malinaw na gawa ng terorismo, at nanawagan na hindi tayo tumigil hanggang sa mahanap at mapanagot ang mga may sala.
“Hinihiling ko sa PNP, AFP, NBI, at iba pang mga law enforcement agency na magtulungan upang makarating sa puno’t dulo nito at agad na mabigyang hustisya ang karumal-dumal na karahasang ito,” panawagan ng mambabatas.
Dagdag pa niya, “Kami po sa Senado ay nakahandang ibigay lahat ng kinakailangang tulong hindi lamang sa mga ahensya na magpapanatili ng kapayapaan, kundi maging sa mga pamilya ng mga naging biktima sa pangyayaring ito.”
Sa gitna ng trahedya, umapela rin si Lapid sa mga kapatid na Muslim at Kristiyano sa Mindanao na panatilihin ang hinahon at kapayapaan upang maiwasan ang paglala pa ng sitwasyon sa rehiyon.
“Umaapela po tayo sa ating mga kapatid na Muslim at mga Kristiyano sa Mindanao na panatilihin ang hinahon at kapayapaan upang maiwasan ang paglala pa ng sitwasyon sa rehiyon,” dagdag pa niya.
Nagbigay din ng taos-pusong pakikiramay ang senador sa mga naulila ng mga nasawi sa nasabing trahedya sa MSU.
Photo credit: Facebook/SupremoSenLapid