Nagkaisa ang mga mambabatas at lokal na opisyal ng Eastern Visayas laban sa mga nakaraang pahayag ni Vice President Sara Duterte na kanilang tinawag na “malisyoso, walang basehan, at mapanira.”
Sa isang Joint Manifesto of Indignation, binigyang-diin nina Biliran Rep. Gerardo Espina Jr., Leyte Representative Anna Victoria Veloso-Tuazon, Samar Reps. Reynolds Michael Tan at Stephen James Tan, at mahigit 45 lider sa rehiyon na ang mga tirada ni Duterte ay hindi lang insulto kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kundi pati sa mga Waray.
Ayon sa manifesto, ang pahayag niya ay labag sa mga Waray values tulad ng katatagan, pagkakaisa, at dangal na sumasalamin kay Romualdez. Dagdag pa ng grupo, ang reckless tirades ng pangalawang pangulo ay isang pag-atake sa puso ng isang rehiyong nalampasan ang napakaraming hamon sa tulong ng maayos at mapagkakatiwalaang liderato.
Pinuri rin nila ang mahabang kasaysayan ng House Speaker sa serbisyo publiko, na anila’y nagdulot ng makabuluhang progreso sa bansa.
Binanggit ng manifesto na ang mga alegasyon ni Duterte laban kay Romualdez ay insulto rin sa legacy ng mga Romualdez, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may dugong Waray sa pamamagitan ng kanyang ina, si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.
Sa hiwalay na manifesto, pitong mayor mula sa Leyte First District, kabilang si Palo Mayor Remedios Petilla, ang naghayag ng suporta sa pinuno ng House of Representatives. Tinawag nilang “hindi karapat-dapat” ang mga alegasyon ng bise at pinuri ang integridad at dedikasyon ni Romualdez sa kanyang serbisyo.
Photo credit: Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial