Iginiit ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ang pangangailangang magpokus ang mga batas laban sa sexual harassment sa “power play” na madalas nagaganap sa lugar ng trabaho.
Ayon sa kanya, ang mga kaso ng sexual harassment ay hindi lamang limitado sa entertainment industry kundi nangyayari rin sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga tanggapan ng gobyerno at mga paaralan.
“Dapat wala diyan ang power play,” ani Padilla sa isang pagdinig na kanyang pinangunahan. “Sa aking maiksing pag-aaral sa topic na ito nakita natin ang sexual harassment ay malamang ang laging pinaguusapan diyan ay power play. Talagang ang may kapangyarihan, kung sino ang pwedeng mag-promote o magbigay ng anumang incentive, laging doon bumabagsak.”
Bilang isang artista, ibinahagi ng mambabatas na siya mismo ay nakasaksi ng mga kaso ng sexual harassment sa kanyang industriya. Subalit, binigyang-diin niya na ang ganitong pang-aabuso ay laganap din sa iba pang lugar ng trabaho. “Kaming mga artistang nandidito gusto ipaalam sa inyo na nangyayari ang sexual harassment sa industry namin. Marami akong nabasa na kaso na nangyayari sa ibang opisina at gobyerno pa at kadalasan sa paaralan,” dagdag ng senador.
Upang matugunan ang isyung ito, naghain si Padilla ng Senate Bill 2777 na naglalayong palakasin ang mga batas laban sa sexual harassment at tiyakin na ang mga ito ay “gender-responsive,” lalo na’t parehong lalaki at babae ang maaaring maging biktima ng sexual assault.
“By doing so, we can be more certain that our laws are stronger, more gender-responsive, and progressive especially in these changing times,” aniya.
Bukod dito, nanawagan si Padilla sa mga ahensya tulad ng Philippine Information Agency at Department of Education na magsagawa ng mas malawakang information drives upang palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa isyu ng sexual harassment sa lugar ng trabaho.