Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat munang dumaan sa masusing proseso upang maisabatas ang implementasyon sa “Bagong Pilipinas” hymn bago pa man ito gawin sa mga flag ceremonies.
Kamakailan lamang ay iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos na gawing mandato ang pag-awit ng “Bagong Pilipinas” hymn sa lingguhang flag ceremonies ng gobyerno at mga eskwelahan na naglalayong makibahagi at magbigay ng suporta ang bawat Pilipino sa lahat ng pagsisikap ng pamahalaan.
“It envisions to empower Filipinos to support and participate in all government efforts in an all-inclusive plan towards deep and fundamental social and economic transformation in all sectors of society and government,” saad ng pangulo sa kanyang opisyal na pahayag.
Sa kabila nito, tila ‘“napangiwi” si Pimentel dahil kinakailangang maisabatas muna ito bago pa man ang sundin ng taumbayan.
“I suggest that the Executive Branch should submit a bill containing those ideas to amend the existing law[s] governing the National Anthem, Pledge, and Flag Raising ceremonies.”
Bulalas pa ni Pimentel, hindi sapat ang paglalabas ng Executive Order para rito dahil sakop nito ang pananaw at karapatan ng bawat Pilipino.
“Also notice that the MC [Memorandum Circular] involves SUCs [state universities and colleges]. The students therein are not even government employees. They all observe the established flag ceremony under existing law.”
Ang pahayag na ito ni Pimentel ay tila sinang-ayunan ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro matapos niyang sabihin na tila isa itong patibong upang makontrol ang taumbayan.
“[This is] an attempt to indoctrinate government personnel and the youth with the Marcos administration’s self-styled Bagong Pilipinas branding.”
Saad ni Castro, maaring maging ugat lamang ito ng pagpapalawig ng “Marcos brand name” at dahilan para magkaroon ng “historical revisionism.”
Dahil dito, mariing sinabi ni Castro na imbes na ito ang pagtuunan ng pansin ay dapat sa mas importanteng isyu ng bansa nakatutok ang gobyerno.
“Sa halip na ganitong mga gimik ang ginagawa, dapat sana ay mas inilalaan ng administrasyong Marcos ang oras nito para pag-isipan at aksyunan, paano solusyunan ang mga problema ng mamamayan gaya ng pagtaas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagtulong sa mga driver at operator na huwag mawalan ng hanapbuhay, at paglikha ng mga kalidad at regular na trabaho sa bansa,” aniya.