Habang ang panukalang Maharlika Fund Bill ay kasalukuyang sumasailalim sa period of interpellation sa Senado, lumulutang naman ang magkakaibang pananaw ng mga mambabatas.
Habang si Senador Mark Villar ay nananatiling committed sa pagsusulong ng kanyang panukalang batas, si Senador Risa Hontiveros ay nagpahayag ng mga pag-aalinlangan tungkol sa pag-aapura at mga potensyal na kahihinatnan nito.
Naniniwala sa si Villar na ang panukala ay magbibigay kapangyarihan sa mga tao, lilikha ng isang patas na lipunan, at magtataguyod ng isang maunlad na kinabukasan para sa lahat.
“I believe that the Maharlika has enough safeguards to ensure that we will achieve a good rate of return for the government,” aniya.
Sa kabilang banda, nagpahayag ng pagkabahala si Hontiveros tungkol sa dahilan ng pagkaka “certify as urgent” ng Malacanang sa Maharlika Fund Bill.
“Masyadong baluktot at lutang ang mga dahilan kung bakit kailangang madaliin ang pagpasa ng Maharlika Fund,” aniya.
Kinuwestyon ng mambabatas ang pagpapamadali dito kahit walang pagkukunan ng pondo dahil, aniya, walang natira sa kinita sa Malampaya oil and gas fields, at hindi pa nakakalusot ang batas na magtataas sana ng kita ng gobyerno mula sa mga magbubukas na minahan.
Dagdag ni Hontiveros, magiging malaking kawalan sa mga magsasaka at maliliit na negosyo na hindi kayang umutang sa mga pribadong commercial banks kung ang kumikitang pondo ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ay ilalaan sa Maharlika Fund.
Nagbabala rin siya laban sa paggamit sa pondo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na nagsisilbing isang maaasahang pananggalang laban sa pagbaba ng halaga ng piso, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagtaas ng mga interest rate sa mga pautang.
Higit pa rito, kinukuwestiyon niya ang kawalan ng transparency tungkol sa paglalaan ng mga pondo para sa mga serbisyong panlipunan, agrikultura, transportasyon, at mga sektor ng enerhiya.
Photo credit: Facebook/senateph