Nag-ambagan na ang mga miyembro ng House of Representatives para makaipon ng P1 milyong cash reward para sa sinumang makapagpakilala kay “Mary Grace Piattos,” na sinasabing isa sa mga nakatanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Pinalalalim ng mga mambabatas ang pagsisiyasat sa P125 milyong confidential funds ng OVP, partikular na ang pagkakakilanlan ni Piattos na tila ang pangalan ay kombinasyon ng restaurant chain at isang sikat na brand ng chips.
Kabilang siya sa mga pumirma sa mahigit 1,200 acknowledgment receipts na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) bilang patunay ng paggastos sa confidential funds noong Disyembre 2022. Gayunpaman, binatikos ng COA ang mga resibo dahil sa mga kakulangan tulad ng pirma lamang, walang pangalan, o mga pangalan na kahina-hinala gaya ng “Nova,” “Oishi,” at “Tempura.”
Ayon kay Antipolo City Representative Romeo Acop, ang resibo ni Piattos ay kasama sa 787 resibo na may kakulangan at sa 302 na may hindi mabasang pangalan. Samantala, sinabi ni 1-Rider Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na 158 resibo para sa P23.8 milyon ang naglalaman ng maling petsa—“December 2023” sa halip na “December 2022.”
Tinukoy ni COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office lawyer Gloria Camora na ang mga resibong ito ay para sa iba’t ibang gastos, kabilang na ang supplies, pagkain, “purchase of information,” at mga “rewards, including medicine.” Ang mga ito ay bahagi ng P73 milyong confidential funds na disallowed ng komisyon.
Ayon kay Assistant Majority Leader Jefferson Khonghun, mahalaga ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga pumirma sa resibo, lalo na kay Piattos. “Kung walang Mary Grace Piattos, tiyak na ang iba pang signatories ay kathang-isip din,” aniya.
Ang House committee at quad committee ay nagkaisang maglaan ng cash reward upang pabilisin ang resolusyon ng isyu. “Gusto nating malaman kung si Mary Grace Piattos ay totoong tao, gaya ng iginiit ng OVP,” dagdag ng mambabatas.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH