Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang karagdagang budget para sa National Children’s Hospital (NCH) – isang ospital para sa mga bata na nagmula sa pinakamahihirap na pamilya – na hindi umano nakakatanggap ng sapat na suporta mula sa gobyerno.
Ibinunyag niya ang nakakapanlumong kondisyon sa ospital na may negatibong epekto sa mga pasyente nito, kabilang ang kakulangan nito ng mga tauhan, subpar facility, at lipas na o hindi sapat na kagamitan, sa kanyang privilege speech noong Lunes.
Hinimok din ni Tulfo ang Department of Health, Department of Budget and Management at ang kanyang mga kapwa mambabatas na personal na bisitahin ang ospital upang masaksihan mismo ang mga problema nito.
“Mr. President, the National Children’s Hospital, a health facility for the poorest and weakest, is in dire need of our help. Kung paano naghihingalo ang mga pasyente doon, gayun din ang paghihingalo ng pasilidad at sitwasyon ng National Children’s Hospital,” aniya.
May mali sa kung paano tinatrato ng gobyerno ang mga pasyente ng ospital; hindi sila nakakatanggap ng kinakailangang tulong, patuloy ng senador. “I invite you to visit this hospital para makita niyo kung gaano kalunus-lunos ang kalagayan ng mga pasyente doon. Nang makausap ko sila, wala daw pong bumibisita sa kanila na mga opisyal ng gobyerno.”
Sa paghingi ng karagdagang budget para sa NCH, sinabi niya na maaaring kumuha mula sa mga underperforming na mga ahensya ng gobyerno.
Ibinahagi ni Tulfo, na dating isang batikang broadcaster, kung paano hindi bumuti ang sitwasyon sa NCH at talagang lumala sa paglipas ng panahon bago siya mahalal bilang senador.
Iniulat ng mambabatas na na noong huling beses na bumisita siya sa ospital, kitang-kita sa mga mukha ng mga bata ang paghihirap, gayundin ang lungkot at pighati ng mga magulang na kasama nila habang nakapila sa masikip, at mainit na pasilyo ng ospital na nagpadagdag lamang sa kanilang paghihirap.
Ipinahayag ni Tulfo na hindi na kayang hawakan ng NCH ang dami ng natatanggap na mga pasyente, na nagdaragdag rin sa mga problema ng ospital dahil sa kakulangan ng pondo. Sinabi niya na mayroong tatlong taong paghihintay para sa mga therapy na kailangan ng mga pasyente, tulad speech, physical, at occupational.
Samantala, ang estruktura ng ospital, ayon sa senador, ay sira na. Paglalarawan niya: “May basag na bintana at plywood ang ipinangtatakip dito. There are not enough electric fans and no proper ventilation, and the windows have to be opened for fresh air. Sinabitan ng manipis na kurtina ang bintana marahil upang di makapasok ang mga lamok at alikabok!”
Napansin din ni Tulfo ang tila mga mantsa sa kisame o bakas na nababasa ito ng tubig dahil pinapasok ang bubong ng tubig tuwing umuulan.
Binanggit din niya na masyadong maliit ang mga therapy room ng ospital para kumportableng mag-accommodate ang mga bata. Dahil dito, pinapayuhan ng mga doktor ang mga magulang na ipagpatuloy na lang ang therapy sa bahay kaysa sa ospital.
Ang privilege speech ng mambabatas ay isinabay sa pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.
Photo Credit: Facebook/OfficialNCH