Matinding kinastigo ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang isang local official dahil sa ilang mga pahayag na ginawa nito sa Hakbang ng Maisug Prayer Rally sa Cebu.
Sa social media page ng Department of Interior and Local Government (DILG), ipinahayag niya ang matinding pagkabahala sa tinawag niyang “disturbing and inappropriate conduct” ng hindi na niya pinangalanang public official.
“Some of the remarks made by local officials at the Hakbang ng Maisug Prayer Rally last night were quite disturbing and inappropriate,” ayon kay Abalos. “As public officers, we should always make sure that we conduct ourselves in accordance with the dignity of our office.”
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging huwaran ng mga opisyal sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa mga kabataan na kanilang kinakatawan.
“We should set an example to our constituents as we represent our community, most especially the youth who are watching,” aniya. “We should avoid using vulgar and abusive language. We can always communicate our opinions with civility.”
Binanggit din ng DILG Secretary ang kahalagahan ng Code of Ethics of Public Officials at pinaalalahanan ang lahat ng elected officials ng kanilang obligasyon na itaguyod ang integridad, propesyonalismo, at paggalang sa kanilang pag-uugali.
“We must always keep in mind that the Code of Ethics of Public Officials requires that we carry ourselves with integrity, professionalism, and respect to all colleagues, and to all people at that,” aniya.
Sa huli, hinimok ni Abalos ang mga public official na maging propesyonal, magkaroon ng mabuting asal, at gumalang sa mga institusyong sumasalamin sa mga adhikain at pagpapahalaga ng sambayanang Pilipino.
Matatandaang nagmura at binanatan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte si Pangulong Bongbong Marcos sa katatapos lang na prayer rally sa Cebu.
Aniya, ang kasalukuyang administrasyon ay walang kakayahan na pamahalaan ang bansa nang epektibo at ayusin ang mga problema nito.
“Ngano di man nimo kaya tarungon? (Why can’t you fix it?),” pahayag ni Duterte.
Hindi pa rito nakuntento ang batang Duterte dahil tinawag din niyang scam ang pangako ng Pangulo na pabababain ang presyo ng bigas sa P20 per kilo.
“Kahibaw mo unsa’y pinakakataw-anan ani tanan? Ibakak nimo ang tag-20 nga bugas. Scam na. (You know what is most funny about this. You lied about P20 per kilo of rice. It is a scam),” aniya.
Photo credit: Facebook/dilg.philippines