Hinimok ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang publiko na suportahan ang nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa Social Security System (SSS). Ayon kay Bersamin, ang hakbang na ito ay bunga ng masusing actuarial studies at matagal nang naplano upang masiguro ang pangmatagalang benepisyo ng mga miyembro.
“Ang mga ganitong increases, pinag-aaralan nang mabuti. Hindi basta-basta pwedeng sabihin na ‘huwag kayong mag-increase.’ Mahirap gawin ‘yan dahil nakasalalay sa mga pag-aaral ng mga actuary,” paliwanag niya.
Binalaan din ni Bersamin ang publiko ukol sa mga posibleng negatibong epekto ng labis na panghihimasok sa operasyon ng SSS.
“Kung palagi tayong makikialam sa pamamahala ng SSS, baka negatibo pa ang maging epekto,” aniya.
Bagama’t bukas si Bersamin na pag-usapan ang panukalang suspensyon sa hinaharap, iginiit niyang dapat munang ipagpatuloy ang nakatakdang plano sa kasalukuyan.
“Pabayaan muna natin. Maaaring sa susunod na taon ay tingnan ulit, pero ngayon, matagal na nilang pinag-aralan at in-announce ito bago pa man ang panawagan ni Macasaet,” dagdag niya.
Samantala, kinuwestyon din ni Bersamin ang intensyon ni dating SSS chief Rolando Macasaet sa panawagan nitong ipagpaliban ang pagtaas.
“You must understand kung kanino galing ‘yung call – kandidato eh. Si Rolly Macasaet, who used to be president of SSS,” aniya.
Matatandaang bumaba sa pwesto si Macasaet noong nakaraang taon upang tumakbo bilang kinatawan ng SSS-GSIS Pensyonado party-list sa Kongreso.
Photo credit: Philippine News Agency