Bagamat may mga absent, todo-hataw si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pangangampanya para sa 12 senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Davao del Norte nitong Sabado, hinimok ang publiko na bumoto nang buo para sa kanyang mga pambato.
“Mabigat ang kalaban dahil kung kikilatisin natin sila isa’t isa, napakatingkad po ng mga record nila, napakaganda ng kanilang mga naging performance sa kanilang iba’t-ibang inupuan na mga posisyon sa pamahalaan,” pahayag ni Marcos sa campaign rally sa Carmen, Davao del Norte.
‘Matitibay At Malalakas’
Pinuri ng Pangulo ang track record ng kanyang mga kandidato, iginiit na kapag pinagsama-sama ang kanilang galing, lalo pang lalakas ang Senado.
“Kapag naman isa-isa silang magaling, pinagsama-sama pa natin silang lahat, ay talagang nakakagulat na ang kanilang tibay at lakas,” dagdag pa niya.
Kabilang sa 12 kandidato ng administrasyon sina:
- Erwin Tulfo at Camille Villar – kasalukuyang kongresista
- Mga reelectionists na sina Senators Francis Tolentino, Lito Lapid, Bong Revilla, Pia Cayetano, at Imee Marcos
- Makati City Mayor Abby Binay
- Dating senador na sina Manny Pacquiao, Panfilo Lacson, at Vicente Sotto III
- Dating Interior Secretary Benjamin Abalos Jr.
‘Hindi Na Kailangang Turuan’
Tiniyak ni Marcos na sanay na sa serbisyo ang kanyang mga kandidato kaya walang oras na masasayang kung sakaling maluklok sila sa Senado.
“Itong mga nakaharap sa inyo, sila’y sanay na sanay na. Pag-upo nila, kapag naluklok sila sa kanilang hinahabol na posisyon, hindi na po sila magtataka kung anong gagawin nila. Hindi na po magtatanong kung kani-kanino kung anong dapat gawin,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din niya na ang kanyang mga kandidato ay walang bahid ng katiwalian at hindi tumatakbo para sa sariling interes.
Tikom Ang Bibig Sa Mga Absent
Napansin ng ilan ang hindi pagdalo nina Senators Imee Marcos at Pia Cayetano, pati na rin nina Lacson at Villar sa rally sa Davao del Norte—balwarte ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte.
Samantala, tila may banat si Marcos sa isang pahayag kamakailan ng isang dating opisyal na nagbiro tungkol sa pagpatay sa 15 senador para magkaroon ng bakanteng puwesto sa Senado.
“Narinig lang natin noong isang araw, siguro wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Sa bagay, ang mahirap sa isang tao, ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema, ay pumatay sa isang Pilipino,” patama ni Marcos.
Bagamat hindi niya pinangalanan, palaisipan kung sino ang tinutukoy niya.
Photo credit: Facebook/pcogovph