Mga KapNoy, taon-taon ay inaalala natin at binibigyang pugay ang napakaraming bayani sa ating bansa. Karapat-dapat lang ang taunang selebrasyong ito. Huwag n’yo pong mamasamain ang ilang opinyon na aking isusulat dito. Sadyang nakakabagabag lamang ang ilan sa aking mga obserbasyon.
Ang mga bayaning ating pinagbubunyi, mula sa pagdating ng mga kastila, sa panahon ng mga Amerikano, sa paglaban sa mga Hapon, hanggang sa mga bayani ng ating kasalukuyang henerasyon, lahat sila ay magkakahawig ang mga ipinaglaban.
OPRESYON, PANG-AABUSO, KURAPSYON.
Lahat ng ito ay nilabanan, at hanggang ngayon ay patuloy na nilalabanan. Iba’t-ibang bayani sa iba’t-ibang panahon. Iisa ang adhikain, kalayaan mula sa isa o tatlong ito.
TANONG: Totoo ba o ganap na nating nakamit ang kalayaang ito? O nagkaroon lamang ng kalayaan mula sa mga taong gumagawa ng opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon sa bawat yugto ng ating panahon?
Pag-isipan natin mga KapNoy, dahil mukhang nasa ikalawang tanong lamang ang kalayaang nakakamit natin. Ang bawat bayani ay nanindigan, lumaban, at nag-sakripisyo lamang upang manalo hindi laban sa opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon. Sila ay pansamantalang nanalo lamang sa mga taong sa panahong ‘yun ay nagpapa-iral ng mga ito.
TANONG: Sino ba ang may kakayahang magawa ang opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon?
SAGOT: Ilan sa mga mayayaman, makapangyarihan, at mga politiko ng panahon.
Sa bawat panalo ng ating mga bayani sa kani-kanilang yugto ng kasaysayan, nananatiling umuusad ang gulong ng opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon. Ibang grupo na nga lang nagpapa-usad nito, at ibang bayani na rin ang lumulutang upang labanan ito.
Sa puntong ito ng ating panahon, iba’t-ibang uri ng opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon ay umuusad pa rin. At may mga bagong katauhang naninindigan at nilalabanan ito. Mga bagong tao na maaari o hindi maituturing na bayani sa darating na panahon.
At sa puntong ito, ilan sa mayayaman, mga makapangyarihan, at mga politiko ay galit sa mga taong naninindigan at lumalaban sa kasalukuyang umiiral na opresyon, pang-aabuso, at kurapsyon.
Sa darating na mga henerasyon, may mga madadagdag sa listahan ng mga bayani sa ating kasaysayan. Hanggat may mga nagpapa-usad sa nilalabanan, may mga bagong Jose Rizal o Andres Bonifacio na lulutang.
Mga KapNoy, ako man ay walang makitang solusyon sa obserbasyong ito. Maaari pa ngang mali ang aking opinyon. Sige na lang, taon-taon nating gunitain at bigyang pugay ang mahabang listahan ng ating mga bayani.
Darating din siguro ang panahong ang tunay na kalayaan ay makakamtan.