Hiniling ni dating Bamban mayor Alice Guo sa Department of Justice na ibasura nito ang mga kasong perjury at falsification na isinampa laban sa kanya.
Ayon sa kanyang abogado na si Stephen David, walang basehan ang kasong perjury o falsification laban kay Guo dahil siya mismo ang pumirma sa counter-affidavit na nagsilbing sagot ng dating alkalde sa mga kaso ng qualified trafficking laban sa kanya at iba pa.
Sinampahan siya ng perjury at falsification of documents dahil sa pinaniniwalaang pinirmahan niya ang kanyang counter affidavit habang nasa labas na siya ng bansa.
“Siya naman ang pumirma doon. Pre-signed kasi ‘yan. Kung sino ang nagnotaryo, ‘yun dapat ang tanungin natin,” paliwanag ni David.
Ang abugadong si Elmer Galicia ang nag-notarize ng counter-affidavit ni Guo noong Agosto 14, subalit ayon sa mga ulat, wala na sa Pilipinas ang dismissed mayor noon pang Hulyo 18.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), imposible raw na personal na nagpakita si Guo kay Galicia para sa notaryo dahil nakalabas na siya ng bansa noon pa. Naghain ang NBI ng ilang reklamo laban kina Guo, Galicia, at apat pang iba sa Justice department kaugnay sa umano’y pekeng counter-affidavit na ito.
Nahuli si Guo ng mga awtoridad sa Indonesia noong Setyembre at kasalakuyang nakapiit ngayon sa Pasig City Jail.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH