Ang mga pabayang magulang na tumatangging magbigay ng suporta sa kanilang anak ay maaaring nang maparusahan kung maisasabatas ang panukala ni Northern Samar 1st District Representative at Senior Deputy Minority Leader Paul Ruiz Daza.
Ang mga multa, pagkakulong, at iba pang mabigat na parusa ay kasama sa House Bill (HB) No. 44 ni Daza, o “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof.”
“In my version of the bill, I had harsh provisions in there, like imprisonment,” aniya sa paunang deliberasyon ng House Committee on Welfare of Children sa mga panukalang batas. Ang mga parusang ito, idinagdag ng mambabatas, ay inilagay upang palakasin ang mga mandato sa kapakanan at proteksyon ng mga bata.
“Make the law na talagang magkaroon ng ngipin para matakot ‘yung non-custodial parent, para magbayad, magbigay (to really have teeth, to scare the non-custodial parent into providing),” aniya.
“There are already existing child support provisions in the Family Code,” ani Daza. Dagdag niya, ang pagiging pabayang magulang ay “perennial problem” ng sambahayang Pilipino.
Nabanggit din ni Daza na ayon sa isang pag-aaral ng World Health Organization, maaaring umabot sa 14 milyon ang single-parent households sa Pilipinas.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ni Assistant Bureau Director Miramel Garcia-Laxa, ay sumang-ayon sa mga sentimyento ni Daza, at isiniwalat na noong nakaraang taon lamang, nasa 280 ang mga kaso tungkol sa child custody ang naitala ng DSWD. Ibinahagi din niya ang suporta ng departamento para sa panukalang batas at tinawag itong isang “priority legislative agenda.”
Samantala, nakapagtala ang Philippine National Police ng 3,684 kaso ng economic violence laban sa kababaihan mula 2018 hanggang 2023, ayon kay PBGen. Matthew Bacay, na kinabibilangan ng child support negligence sa ilalim ng Republic Act No. 9262.
Ang pagpasa ng HB No. 44, ibinahagi ni Daza, ay gagawing madali para sa mga custodial parent na makakuha ng suporta para sa mga bata.
“I think that it is time for the House, for our country, to have a national debate on how we can improve existing laws and regulations that address the welfare of children, in particular, problems that single-parent households face,” aniya.
Ang panukalang batas ni Daza ay nagmumungkahi ng halaga ng suporta sa bata na P6,000 buwan-buwan, habang ang pinal na halaga ay hindi pa matukoy ng DSWD at mga korte. Sakaling mabigo ang mga non-custodial parent makalipas ang dalawang buwan o umabot sa P30,000 ang kulang na suporta, sila ay maaaring makulong ng hanggang apat na taon at magmulta ng hanggang P300,000.
Ang iba pang mga parusa ay isasaalang-alang rin sa pag-iisyu ng mga dokumento ng gobyerno, kabilang ang isang hold departure order sa imigrasyon.
Umaasa si Daza na maipasa ang panukalang batas at hinihikayat ang suporta ng kanyang mga kapwa kinatawan.
“While keeping our children protected and nourished is the objective, the happiest outcome we could arrive at is keeping more families together,” aniya.
Photo credit: House of Representatives website