Binanatan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang mga senador sa diumano ay pagiging mabagal ng mga ito sa pag-amyenda sa Rice Tarrification Law (RTL) at sinabing nagiging sagabal ang kakuparan nila sa pagtulong sa mga Pilipino.
Matapos aprubahan ng House Committe on Agriculture ang pag-amyenda sa RTL, nanawagan si Tulfo ng agarang responde ng Senado upang masagot na ang hinaing ng taumbayan sa tumataas na presyo ng bigas.
Aniya, huwag na dapat ibahin ng Senado ang kanilang naipasang amyenda para sa RTL dahil maaaring mabago lamang nito ang layunin na tulungan ang mga mamimili sa bansa.
“Nakalusot nga ho dito. Ang problem ho namin ngayon, is the Senate. Iba ho ‘yung version nila. […] Yung version ho ng Senate, walang laman, eh. Eh, wala. Ang binabanggit doon na NFA. So, pumasa man ho dito, pagdating mo sa kanila, wala ring mangyayari,” aniya.
Pahayag ni Tulfo, ang posibleng dahilan ng pagbagal ng proseso sa pagpasa ng senado sa RTL amendements ay ang kanilang pansariling interest na hindi aniya importante sa nais isulong ng gobyerno.
“Pakiusap po namin sa Senate, baka pwede naman ho, sumabay na lang ho kayo sa version namin. Isantabi ho muna natin ‘yung mga business interest, personal interest natin. Unahin po muna natin ‘yung interest ng mga tao, ng nakakarami ho sa atin,” saad ni Tulfo.
Ang pagbagal ng proseso na ito ay nagreresulta lamang sa hindi pagtitiwala ng taumbayan sa gobyerno ayon kay Tulfo.
“Kaya tayo napupulaan ng taumbayan. Puro tayo porma. Puro tayo kwento. Why don’t we just do our work? Let us unite. Para sa isang mission, ang mission natin, everybody can buy rice,” aniya.
Mariin ding sinabi ni Tulfo na walang naitutulong ang pagiging senador nila kung walang agarang solusyon sa isyu ng bansa. “Sayang po pagiging senator natin if we can’t do anything. We have the power in our hands.”