Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano at 15 pa na senador ang Philippine National Police (PNP) at iba pang mga law enforcement agency na aksyunan ang serye ng mga pag-atake sa mga local government official at mga sibilyan na humantong sa pagkamatay at pinsala.
“The Senate of the Philippines, in the strongest sense, urges the Philippine National Police and other law enforcement agencies to exert all efforts to bring the perpetrators to justice,” pahayag niya at iba pang mga mababatas na pinamumunuan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Resolution No. 517 ngayong Lunes, Marso 6.
Ito ay matapos patayin si Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo noon Marso 4 sa kanyang tahanan sa Pamplona, Negros Oriental. Ito ay ang ika-apat na pag-atake sa mga lokal na opisyal ngayong taon.
Ikinalulungkot ng mga senador na sa loob ng 15 araw, dalawang mga lokal na opisyal at labing-pitong sibilyan ang napatay ng mga armadong lalaki. Dalawa naman ang nasugatan.
Noong Pebrero, may dalawang magkahiwalay na kaso ng pag-atake laban sa mga lokal na opisyal, kung saan nasugatan sina Governor Mamintal Adiong Jr. ng Lanao del Sur at Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao.
Si Aparri Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima pang kasama niya ay tinambangan at pinatay naman sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Idiniin ng mga mambabatas na kinakailangang hulihin agad ang mga kriminal para matiyak na pinapairal ang batas sa lahat ng pagkakataon para sa isang maayos at mapayapang lipunan.
Isinasaad ng mga mambabatas ang isang Social Weather Station (SWS) survey noong Disyembre 2022, kung saan 50 porsyento ng 1,200 na Pilipino ay nagsabing natatakot sila maglakad sa lansangan sa gabi “dahil hindi ito ligtas.”
Kinukondena sa Senate Resolution No. 517 ang mga pagpatay at pag-atake laban sa mga opisyal ng gobyerno at sibilyan. Hinimok rin ng mga senador ang PNP at ang mga law enforcement agency na isagawa ang kinakailangang hakbang para siguraduhin ang kaligtasan ng lahat.
“Injustice and violence do not have a place in any civilized society, and no cause justifies brutalities against the lives of all persons,” pahayag nila.