Nadismaya si Senador Nancy Binay sa isyu ng bagong Senate building matapos hindi siya diretsahang kinausap at bagkus aniya’y pinaringgan lamang tungkol dito.
Sa isang interbyu sa TeleRadyo Serbisyo, isinawalat niya kung paano naging tila “haka-haka” ang mga sinasabi ng ibang senador tungkol sa bagong Senate building.
Dahil dito, diniretsa na ni Binay si Sen. Alan Cayetano at sinabing masyadong “exaggerated” ang pahayag nito lalo na sa sinasabi nilang budget na P23-billion. Aniya, hindi niya alam kung sino ang kanilang source sa pinagkakalat nila umanong budget.
“Paano ako magcocomment, hindi ko alam saan mo hinugot yung amount na yun. Diba maganda yung may mga hawak kami na dokumento at magpapakitaan kami, magkwekwentahan kaming dalawa.”
Para sa mambabatas, tila gawa-gawa lamang ang pambabatikos sa bagong Senate building dahil hindi man lamang aniya nila dinadalaw ang building pero panay ang kanilang kumento rito.
“I support yung sinasabi niyang review dahil talaga namang dapat pag-aralan niya itong bagong building, pero kasi diba parang nagsasagutan kami sa media, e hindi ho ba da dapat mag-usap kaming dalawa para kung meron siyang hindi malinaw mas masasagot ko ho nang diretso,” dagdag niya.
Matatandaang nagkaroon ng unang pahayag si Senate President Chiz Escudero tungkol sa bagong Senate building at sinabing masyadong malaki ang hinihinging budget para sa pagpapagawa nito.
Aniya, hindi dapat umabot sa P23 billion ang budget para rito dahil mas karapat-dapat pa na mapunta ang nasabing budget sa ibang isyu ng bansa.
Dahil dito, matatandaan ring sinabihan ni Binay na “marites” at “bubuyog” ang ilang senador sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bagong Senate building.