Pinuna ni Antipolo 2nd District Representative Romeo Acop ang umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na maaaring ituring na plunder. Ayon sa kanya, malaking halaga ng pondo ang kinukuha kada quarter at direktang iniaabot sa mga “security officers” nang walang malinaw na liquidation.
Base sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang special disbursing officers (SDOs) ng OVP at DepEd ay walang kaalaman kung saan napunta ang pera pagkatapos itong ma-withdraw. Halimbawa, iniulat na P125 milyon kada quarter ang ini-encash ng OVP mula 2022 hanggang 2023.
Ibinunyag naman ni 1-Rider Partylist Rep. Ramon Rodriguez na labag sa Commission on Audit-Department of Budget and Management Joint Circular No. 2015-001 ang paraan ng pamamahagi ng pondo, na nagresulta umano sa maling liquidation reports. Dagdag pa rito, lumabas na may mga resibo na backdated o minadaling gawin para lang mapanatili ang “maayos” na accounting.
Binigyang-diin din ni Rodriguez na gumamit pa ang DepEd ng mga pekeng certification mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa umano’y paggastos ng P21.9 milyon sa informants. Isang nakakagulat na detalye ang paggamit ng P125 milyon ng OVP sa loob ng 11 araw lamang noong 2022.
Binalaan naman ni Assistant Majority Leader Jil Bongalon na maaaring makasuhan ang mga opisyal ng technical malversation sa ilalim ng Revised Penal Code.
“Simply stated, it means that an accountable officer applies public funds to another purpose. Kahit public purpose pa ‘yan (even if it’s for public purpose), which is different from which they were originally appropriated for by law or ordinance,” aniya.
Samantala, sinabi ni Batangas Second District Rep. Gerville Luistro na may mga ebidensya ng perjury sa mga sworn testimonies ng ilang opisyal, habang ipinunto ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang falsification of documents gamit ang mga peke o fraudulent records.
“Ang lahat ng pagsisinungaling while under oath, we call it perjury,” ani Luistro.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH