Sunday, January 19, 2025

Modernisasyon Ng Coast Guard Suportado ni Sen. Estrada

3

Modernisasyon Ng Coast Guard Suportado ni Sen. Estrada

3

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Bunsod sa naganap na oil spill sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28 at ang insidente ng panggigipit ng pwersa ng China sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, itinataguyod ngayon ni Senador Jinggoy Estrada ang modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang makaagapay ito at agarang makatugon sa mga maritime emergencies.

“Imbes na magturuan o magsisihan sa nangyaring pagkalat ng oil slick dulot ng paglubog ng MT Princess Empress, hanapin natin ang solusyon dahil mauulit at mauulit ang mga ganitong aksidente,” ayon sa kanya.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2016 o ang panukalang Philippine Coast Guard Modernization Act, sinabi ni Estrada na chairperson din ng Senate Committee on National Defense and Security na dapat ma-upgrade ang logistical support ng pinaka-una at tanging humanitarian armed service ng bansa.

Isiniwalat ng mga opisyal ng PCG na ang mga kasalukuyang assets nito ay hindi sapat para magpatrol sa karagatan na sakop ng bansa at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa paniniil at panghihimasok ng mga dayuhan.

“Ang PCG ay pinagkalooban ng kapangyarihan na gampanan ang limang pangunahing tungkulin na may kinalaman sa maritime safety, security, search and rescue, law enforcement at environmental protection. Sa harap ng napakabigat na mga gawain para maipatupad ang mga regulasyon alinsunod sa maritime international conventions, treaties at mga batas natin, hindi sapat ang pagkakaroon ng fleet na binubuo lamang ng tatlong offshore patrol vessel para gampanan ang kanilang mapanganib at kritikal na mga tungkulin,” pahayag ni Estrada.

Inilatag niya ang panukala para sa 15-taong modernization program na magbibigay daan para ma-upgrade ang assets at mapabuti ang kakayahan ng PCG na siguraduhin ang mandato nito ayon sa umiiral na batas.

Layunin ng iminungkahing modernization program na mapabilis ang pagtugon sa search and rescue operations at masiguro ang mga maritime zone at nasasakupang dagat ng bansa laban sa terorismo at iba pang banta sa pambansang seguridad.

Sakop din ng panukala ang restructuring at streamlining ng mga unit at opisina nito para maging simple ang mga proseso, professionalization ng human resource, pagkuha at pag-upgrade ng mga pasilidad para sa administratibo at operational na serbisyo pati ang pagbili ng pinaka modernong mga kagamitan. 

Bilang naatasang “tagapag-alaga ng karagatan,” binanggit ni Estrada na dapat magkaroon ang PCG ng mahusay at maaasahang sasakyang-pandagat na may pinakabagong teknolohiya para mapadali ang operasyon nito.

“Ang sakop ng EEZ ng bansa ay mas malaki pa kumpara sa kabuuan ng lawak ng ating land area. Kaya’t kailangan ng ating gobyerno na magkaroon ng isang epektibong organisasyon na kayang magbigay proteksyon at pangalagaan ang iba’t ibang likas na yaman sa ating maritime territory at magsilbi na rin na tagapagtanggol laban sa mga nanghihimasok, lawless elements at mapanirang mga gawain,” aniya.

Photo credit: Facebook/PhilippineCoastGuard

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila