Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas na paigtingin ang financial intelligence monitoring laban sa online sexual exploitation of children (OSEC), kasunod ng pagkakakulong ng French animator na si Bouhalem Bouchiba na inakusahan ng pagpapalabas ng live-streamed na pang-aabuso sa mga batang Pilipina.
Aniya, ang pagkakakulong ni Bouchiba ay nagpapaalala ng agarang pangangailangan para palakasin ang ating financial monitoring systems laban sa OSEC.
Sinentensyahan ng 25 years na pagkakabilanggo si Bouchiba matapos mapatunayang nagbayad siya mula 2012 hanggang 2021 upang abusuhin ang mga batang babae na may edad lima hanggang 10 habang pinapanood niya ang insidente sa livestream.
Nagtatrabaho si Bouchiba sa mga proyekto ng Pixar at Disney tulad ng “The Incredibles” at “Ratatouille.”
Ayon kay Brosas, hindi katanggap-tanggap na nakatakas ang dayuhang predator na ito sa halos isang dekada gamit ang money transfers. Hinimok niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pagtuunan ng pansin ang pagsubaybay sa mga transaksyon na maaaring konektado sa OSEC imbes na sa mga lehitimong activist organizations.
Dagdag pa niya, dapat igiit ang hustisya para sa mga batang Pilipinong naging biktima ng mga dayuhang predator. Aniya, kailangan palakasin ang batas laban sa OSEC at tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng Republic Act 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law.
Photo credit: House of Representatives official website