Binanatan ni dating senador Panfilo Lacson ang naging asal ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa nakaraang Senate blue ribbon subcommittee hearing kung saan dininig ang kontrobersyal na drug war ng dating pangulo.
Paulit-ulit na nagmura si Duterte habang nasa Senado at nagpaulan din ng masasamang salita habang ipinagtatanggol ang kanyang mabagsik na polisiya laban sa mga pinaghihinalaang drug suspects at mga abusadong pulis.
Bukod sa naging asal ng dating pangulo, hindi rin nagustuhan ni Lacson ang “invasion” na ginawa ng nauna.
“Yesterday, the upper chamber was ‘invaded’ by the former President of the Republic. Only one consistently and steadfastly stood up to preserve the dignity of the Philippine Senate. She happens to be a woman who answers ‘present’ during a roll call. Her name: Risa Hontiveros,” aniya.
Sinuportahan naman ni dating senador Antonio Trillanes IV ang papuri ni Lacson kay Hontiveros at sinabing: “The only bright spot in yesterday’s Senate hearing was Senator Risa’s standing up to the evil Duts (Duterte).”
Sa isang punto ng pagdinig, sinabi ni Hontiveros na kailangan munang harapin ni Duterte ang “batas ng tao” bago ang “parusa mula sa impyerno” para sa kanyang responsibilidad sa drug war.
“Only those with hardened hearts could execute extrajudicial killings–from the one who ordered them up to those who pulled the trigger, and to those who hid the evidence,” aniya.
“It’s sad that the one who is supposed to be a lawyer could not understand this,” dagdag pa ng mambabatas patungkol sa dating pangulo.
Samantala, umaasa siya na gagamitin ng Department of Justice at International Criminal Court ang mga sinabi ni Duterte sa Senado, kasama na ang pag-amin nito sa paglikha ng “death squad” sa Davao City at utos sa mga pulis na “palabanin” ang mga suspek upang may rason na patayin sila.
Hinggil naman sa pahayag ng dating pangulo na nagtatag siya ng isang “death squad,” sinabi ni Sen. Koko Pimentel na hahayaan muna niyang pag-aralan ng mga eksperto sa batas kriminal ang mga testimonya ni Duterte bago gumawa ng hakbang.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, Facebook/senateph