Tila nabinyagan si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos niyang makasuhan sa unang pagkakataon sa Office of the Ombudsman.
Nahaharap ngayon si Sotto sa kasong kriminal kasunod ng mga alegasyon na nagbigay siya ng labag sa batas na 100% tax discount sa isang telecommunications company.
Ang mga kaso ay isinampa ng Pasig City resident na si Ethelmart Austria Cruz, na inakusahan si Sotto ng paglabag sa ilang batas, kabilang ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ayon sa 17-page affidavit-complaint ni Cruz, na natanggap ng Ombudsman noong Agosto 7, si Sotto, kasama ang Business Permit and Licensing Department head na si Melanie de Mesa at si City Administrator Jeronimo Manzanero, ay nagbigay ng “undue preference” sa Converge ICT Solutions Inc.. Nakasentro ang reklamo sa mga paratang na mali ang idineklara ng Converge tungkol sa sukat ng opisina nito at bilang ng mga empleyado para sa tax purposes nito.
Ayon kay Cruz, una nang idineklara ng Converge na 5 square meters lang ang office space nito, na may apat na empleyado lamang . Gayunpaman, ang mga inspection report mula July-September 2022 ay nagsiwalat na ang opisina ng kumpanya ay may apat na palapag na may kabuuang sukat na 9,037.46 square meters at may 1,901 na empleyado.
Binanggit pa ng reklamo ang isang tax order of payment na nagkakahalaga ng P3.67 milyon para sa Converge at may mga surcharge at interes na nagkakahalaga ng halos P1.43 milyon dahil sa mga kakulangan at delinquencies sa mga bayarin at lisensya nito. Sinabi ni Cruz na inaprubahan ni Sotto ang 100 percent tax discount, na epektibong tinatapos lahat ng mga penalty sa kumpanya at nagresulta sa malaking pagkawala ng kita para sa lungsod.
Ang kaso ay ang unang graft complaint na isinampa laban kay Sotto mula nang maupo siya noong 2019. Aalamin ngayon ng Ombudsman kung may sapat na ebidensya ito para ituloy ang kaso.
Photo credit: Facebook/PasigPIO