Nanawagan ang mga mambabatas na imbestigahan ang mga posibleng iregularidad sa procurement process ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng DepEd Computerization Program.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations noong Lunes, Setyembre 2, nanawagan si Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky” Luistro na mag-isyu ang komite ng subpoena duces tecum sa DepEd, na nag-uudyok sa departamento na ilabas ang lahat ng mga dokumento sa bidding na may kaugnayan sa programa noong 2022 at 2023. Ang mosyon ay inaprubahan naman ng komite.
“I wish to know also the feedback of the teachers, because I surmise that maybe these computers are not in good condition anymore,” ayon sa mambabats na tinutukoy ang pagkaantala sa paghahatid ng mga kagamitan sa mga paaralan.
Samantala, nagpahayag din ng mga alalahanin tungkol sa mga posibleng iregularidad sa procurement process si Ako Bicol Rep. Jil Bongalon, at binanggit na may 24% na discrepancy sa paunang bidding round, o potensyal na pagkalugi ng gobyerno na aabot sa P1.6 bilyon. Sinabi niya na ang proseso ng bidding ay tila minanipula upang paboran ang ilang mga bidder.
“Probably, there is an irregularity,” ayon sa mambabatas. “There was bidding, but I don’t understand why we did not push through. We could have saved P1.6 billion. How many laptops could we have bought if let’s say each laptop costs P100,000?”
Ipinunto naman ni Luistro ang mababang budget utilization noong 2023, na umabot lamang sa P2.18 bilyon kumpara sa P11.36 bilyong kabuuang halagan na inilaan para sa programa. Kinuwestiyon niya kung bakit humiling ng ganoong kalaking budget ang DepEd para sa 2023 kung inuna naman pala nito ang paggamit ng pondo mula 2022.
“Why, therefore, did you request for P11 billion for 2023 if you’re going to say now that your priority is 2022, that’s why you didn’t use the 2023 (budget)?,” dagdag ng mambabatas.
Sinuri naman ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo ang pahayag ng DepEd na nakapaghatid ito ng 44,638 ICT packages, at hinamon ang pagiging totoo ng nasabing numero ito batay sa datos ng Commission on Audit. Binigyang-diin niya ang pagkakaiba ng naiulat na pagbili at aktwal na naihatid sa mga paaralan.
“Madam Chair, I would like to manifest that what the Usec is referring to is procured, which is different from delivered. There’s a huge difference, it’s an ocean of difference,” giit ng mambabatas.
Iniugnay naman ni Luistro ang mga pagkaantala at inefficiencies sa ICT program ng DepEd sa mababang ranggo ng bansa sa Program for International Student Assessment (PISA).
“This validates the reason why the DepEd in 2023 requested and lobbied for an allocation amounting to P11.361 billion,” aniya at nagpahayag ng pagkadismaya sa mga pagkaantala at nananawagan ng agarang aksyon upang matugunan ang mga problema sa paghahatid ng mga kagamitan sa e-learning.
Ikinokonekta ngayon ang isyu kay Vice President Sara Duterte, na namuno sa departamento sa panahong nangyari ang mga sinasabing aberya.
Photo credit: Binitinan Elementary School Facebook page