Matapang na ipinahayag ng mga senador ang kanilang buong suporta kay Majority Leader Joel Villanueva sa kabila ng diumao’y walang humpay na paninira sa kanya kaugnay ng paglantad niya sa “pekeng” people’s initiative.
“I hope our friends in the House are circumspect. Hindi maganda ang mga paratang na ganyan. It is not good for inter-parliamentary courtesy. Tayo po rito ay nagtatrabaho,” sabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Villanueva ay kilala bilang “outspoken” at “vocal” sa mga isyung pangpubliko, ayon naman kay Senadora Pia Cayetano.
“Kung naglabas siya ng ebidensya, bakit hindi siya sagutin nang maayos? Tayo ay naninindigan at nagbibigay ng suporta dahil ang gustong gawin ng ating kaibigan ay trabaho,” aniya.
Iginiit naman ni Sen. Sonny Angara na hindi dapat palagpasin ang mga pag-atake laban kay Villanueva na nagsusumikap para sa interes ng taumbayan.
Pinuri rin niya ang kanyang kaibigan sa pagkuwestiyon sa people’s initiative signature drive para amyendahan ang 1987 Constitution.
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader Joseph Victor Ejercito na saksi siya sa kasipagan sa trabaho ni Villanueva at madalas aniya nilang pinag-uusapan ang tungkol sa isyu ng korapsyon at kahirapan.
“To those who want to attack Sen. Joel Villanueva, please attack him on the issues that we are tackling. Do not attack him personally …,” payo naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa pasasalamat naman ni Villanueva, sinabi niyang nakakataba ng puso ang suporta ng kanyang mga kapwa senador, na nagpapakita ng matatag na pagkakaisa ng Senado.
“Marami na pong nagawa ang inyong Senado, pero kulang pa at alam ko po bilang miyembro ng institusyong ito na maraming-marami pa tayong magagawa para sa bayan. Kaya magtrabaho na po tayo,” aniya.
Photo credit: Facebook/senateph