Walang pagsisisi si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nang pinamunuan niya ang madugong war on drugs noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Dagdag pa niya, kung siya ay bibigyan ng pangalawang pagkakataon ay uulitin niya ito at sa parehong paraan.
“You can’t fight a war, especially against the drug personalities, by being decent,” aniya.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, umabot sa 6,252 na mga drug suspect ang nasawi sa ilalim ng drug war as of May 2022. Ang datos na ito ay hindi naman pinaniniwalaan ng mga human rights groups na nagsabing ang aktwal na bilang ay posibleng nasa 20,000, kahit wala pang konkretong ebidensya ukol dito.
Ang mga pagpatay na ito ay naging batayan ng kasong crimes against humanity na isinampa ng mga pamilya ng biktima sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pagdinig ng Kamara, sinabi ni dating Police Col. Royina Garma na ang “Davao model” ng extrajudicial killings (EJKs) ay ipinatupad ng dating pangulo sa buong bansa sa ilalim ng kanyang drug war.
Inamin din ni Kerwin Espinosa, isang dating drug suspect, na si dela Rosa umano ang nag-utos sa kanya na idawit si dating senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa illegal drug trade — isang alegasyon na kinumpirma ni Police Colonel Jovie Espenido.
Mariin namang itinanggi ng mambabatas ang mga paratang.
Photo credit: Facebook/senateph