Umalma na ang presidential son at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos sa naging pahayag kamakailan ni Vice President Sara Duterte laban sa kanyang pamilya.
Sinabi ng mambabatas, pinili niya noong una na manahimik bilang respeto sa mandato ng bise, at alinsunod na rin sa payo ng kanyang ama na si Pangulong Bongbong Marcos pero hindi na niya napigilan ang sarili matapos ang “malupit” na mga komento ni Duterte.
Aniya, sumobra ang bise president ng sabihing iniisip niyang pugutan ng ulo ang pangulo at kunin sa hukay ang labi ni dating presidente Ferdinand Marcos Sr. mula sa Libingan ng mga Bayani at itapon sa West Philippine Sea kung hindi titigil ang mga batikos laban sa kanya.
Tinawag niyang “bizarre temper tantrum” ang galit na ipinakita ni Duterte, at sinabi pang “na-shock” ang buong bansa sa kanyang “malupit” na salita. Idinagdag pa ni Sandro na matagal na niyang itinatago ang kanyang personal na pagkadismaya, ngunit dumating na raw ang puntong kailangan niyang magsalita.
“However, one must draw the line at some point, and it’s frankly long overdue. Going ballistic was perhaps the self-therapy she prescribed for herself. But she crossed the line, leaving the civic and civil space where disagreements can be rationally argued,” ayon sa kongresista.
Bagama’t may pagkadismaya, ipinahayag ni Sandro ang kanyang pag-asa na makatagpo ng “peace of mind” si Duterte. Sinabi rin niyang sana’y maging okay ang kalusugan ng bise at binanggit ang kahalagahan ng mental health. Saad pa ng nakababatang Marcos na sa huli, ang tagumpay ni Duterte ay tagumpay din ng bansa.
Sa kabilang banda, nanatiling tahimik si Pangulong Marcos ukol sa mga naging patutsada ng bise president.
Photo credit: House of Representatives website, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH