Mariing Itinanggi ni Senador Robinhood Padilla ang paratang na minura niya si Emmanuel Ledesma, Jr., president at chief executive officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa session hall ng Senado sa gitna ng budget deliberations kamakailan.
Ayon sa mambabatas, hindi siya nagmumura at nilapitan lamang ang PhilHealth chief upang bigyan ito ng payo tulad ng mga ginawa nina Sen. Win Gatchalian at Majority Floor Leader Sen. Francis Tolentino.
Inulan ng batikos si Ledesma mula sa mga senador kamakailan, kabilang na si Padilla, dahil umano sa pagiging “mayabang” at “bastos” nitong sumagot sa mga tanong. Ayon sa mga source na nasa Senado, nagalit ang mambabatas sa tono at asal ng PhilHealth chief, kaya’t nilapitan nita ito at tila nagtaas ng boses.
Kasama sa pagtanggi sa akusasyon, idinagdag ni Padilla na wala rin siyang karapatan para pagalitan ang sinuman mula sa gabinete.
Sa naturang sesyon, pinagsabihan din ni Tolentino si Ledesma na panatilihin ang respeto sa kanyang mga sagot. Maging si Gatchalian ay nagpaalala rin sa PhilHealth chief na sumagot nang diretso at magpakumbaba, lalo na kay Sen. JV Ejercito na aniya’y “maayos ang pagtatanong.”
Humingi naman ng paumanhin si Ledesma sa Senado matapos ang mga pagpuna ng mga senador.
Photo credit: Facebook/senateph, Facebook/PhilHealthOfficial