Malinaw na naungusan ng Marcos administration ang Duterte administration pagdating sa pagpapababa ng krimen sa bansa base sa pinakahuling datos ng National Peace and Order Council (NPOC).
Kamakailan lamang, inihayag ni NPOC chair at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang nakikitang pagbaba sa bilang ng naitalang krimen sa bansa sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos kumpara noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kanilang datos, bumaba ng 170,116 ang kaso ng krimen sa bansa noong July 2022-April 2024 kumpara sa parehong panahon sa liderato ni Duterte.
Ang crime rate kada buwan ay bumaba rin sa loob ng nasabing panahon, mula sa 21.92%, ito ay naging 15.04% na lamang. Ang mga krimen naman na may kaugnayan sa pagnanakaw, murder, at suicide ay bumaba rin ng 63.79%.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Abalos na naitala rin ng Philippine National Police ang 98.88% effectivity ng kanilang crime clearance na nagpapakita ng walang sawang suporta ng kapulisan sa pagsugpo ng kasamaan sa bansa.
“Ito ay patunay na hindi tumitigil ang ating kapulisan sa pagtupad ng kanilang mga sinumpaang tungkulin na labanan ang anumang karahasan sa ating bansa,” ani Abalos sa kanilang meeting sa Malacañang.
Maalalang nabanggit ni Pangulong Marcos na nais niyang baguhin ang pagpapatupad ng anti-drug policy kaugnay ng pagsugpo ng krimen sa bansa. Noong nakaraang linggo, napatunayan ito ng pangulo matapos masabat ang isa sa pinakamalaking import ng illegal drugs sa bansa nang walang namamatay.
Dahil dito, nangako si Abalos na kaisa sila ng presidente upang patuloy na masugpo ang krimen at magkaroon ng mas mapayapang bansa sa kasalukuyang administrasyon.
“Patuloy tayong magsusumikap upang mabawasan ang kahit anong krimen at tuldukan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa,” saad niya.