Inaprubahan ng Senate Committee on Finance ang bersyon ng House of Representatives para sa 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) matapos mabigo ang OVP na mag-submit ng mga hinihinging dokumento.
Sa ilalim ng General Appropriations Bill (GAB) mula sa Kamara, ang OVP ay makakatanggap ng P733 milyon para sa 2025 imbes na ang orihinal na P2.03 bilyon na hinihingi nito.
Ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng panel, ilang beses nilang sinubukang humingi ng mga dokumento mula sa OVP upang maliwanagan ang mga isyu sa kanilang budget ngunit wala pa ring naisumite hanggang ngayon.
Paliwanag niya napanatili nila ang ang budget ng OVP sa ilalim ng House Bill No. 10800 o ang 2025 GAB subalit pending ito sa submission at review ng mga dokumento.
Ang mga natanggal na pondo sa OVP ay na-reallocate sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation program, at sa Department of Health (DOH) para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients. Ang DSWD at DOH ay parehong tatanggap ng P646.5 milyon mula sa budget cut ng OVP upang mapalawak ang kanilang tulong para sa mga nangangailangang sektor.
Pinuri ni House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co ang hakbang ng Senado bilang pagsuporta sa fiscal responsibility at transparency. Ayon sa kanya, malaking bahagi ng budget cut ay mula sa pagbawas sa rental expenses ng 10 satellite offices at 2 extension offices ng OVP na umabot sa P53 milyon noong 2023.
“This move underscores our shared commitment to eliminate redundant roles and ensure government spending prioritizes efficient public service,” pahayag ng mambabatas.
“The Senate’s support of the OVP budget cuts is a significant step toward ensuring that each peso serves the public effectively,” dagdag pa niya.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH