Puspusan na ang paghahanap nina Department of the Interior and Local Government (DILG) at Secretary Benhur Abalos kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy matapos ianunsyo na magbibigay ng P10-milyong pabuya para sa makakapagturo sa kanya.
Sa isang press conference, ibinunyag ni Abalos na may nagpaunlak sa kanilang ahensya ng pondo upang maging pabuya sa kung sinuman ang makakapagturo kay Quiboloy at sa mga kasama niyang sangkot umano sa kasong child abuse, exploitation, at human trafficking.
“Gusto ko ho ianunsyo sa mga nanonood at nakikinig na meron tayong mga kaibigan na gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nagooffer ng reward ng 10 million pesos for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy.”
Dagdag pa niya, magbibigay din sila ng pabuya na P1 million each kung sinuman ang makakapagsabi kung nasaan ang iba pang akusado sa kasong kaugnay kay Quiboloy.
Giit pa ng DILG secretary, malaking tulong sa kanila ang pabuya upang mas mapabilis ang paghahanap sa mga ito lalo na’t seryosong kaso ang kanilang haharapin.
“Ang kaso nila sa ating mga kababayan ay child abuse, exploitation, at qualified trafficking. Hindi ho biro ang kasong ito kaya ito’y walang piyansa, ang sabi ng korte.”
Si Quiboloy ay ang lider ng KOJC church na nakasuhan ng child abuse at human trafficking kasama ang ilang miyembro nito.
Maalalang ipinatawag ng korte si Quiboloy ngunit hindi dumalo ang pastor sa mga hearing kung kaya’t paspasan na ang paghahanap sa kanya.