Hindi pa sigurado kung maaaprubahan ang P200 dagdag-sahod na isinusulong ng ilang mambabatas dahil kailangan pa itong pag-aralan nang mabuti, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes.
“The thing is we have a tripartite board that actually determines the increase in the wage. So, we still have to study it further to see how that will work together,” ani Marcos sa isang ambush interview.
Dagdag pa ng Pangulo, kailangang balansehin ang epekto nito sa ekonomiya, lalo na’t hindi pa tuluyang bumababa ang inflation.
“So, now with this, I don’t know how that’s going to work together. But we will see. We will try to resolve that because as you know it’s very clear that tumataas ang bilihin, nandiyan pa rin ang inflation. Hindi pa natin nasusugpo nang mabuti, nang kumpleto,” aniya.
P200 Across-the-Board Wage Hike, Aprubado Sa Komite
Matatandaang inaprubahan noong Huwebes ng House Committee on Labor and Employment ang isang substitute bill na nag-uutos ng P200 dagdag-sahod kada araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor—anuman ang laki ng kumpanya o industriya.
Bawal ding ipambawas sa dating salary adjustments ang nasabing increase maliban na lamang kung ito ay kasama sa collective bargaining agreement.
Samantala, umaasa si Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resource Development, na i-certify bilang urgent ng Pangulo ang wage hike bill upang matiyak na ramdam ng mga manggagawa ang paglago ng ekonomiya.
Epekto Sa Maliliit Na Negosyo, Pinangangambahan
Ayon kay PBBM, bagama’t kaya ng malalaking kumpanya ang taas-sahod, delikado ito para sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
“’Yung sa corporate walang problema ‘yan, iyong malalaking korporasyon, kaya nila ‘yan. Kahit anong increase ang ilagay niyo kaya nila ‘yan. Pero ‘yung maliliit, iyon ang inaalala ng mga iba,” paliwanag niya.
Bagama’t bukas ang Pangulo sa posibilidad ng dagdag-sahod, binigyang-diin niyang kailangang plantsahin muna ang legal at economic implications nito bago tuluyang ipatupad.
“Pero palagay ko naman there is a way to increase that but we have to resolve the legal issues, we have to resolve the economic issues. So, it still deserves a great deal of study,” ani Marcos.
Sa ngayon, nakabinbin pa ang kapalaran ng P200 dagdag-sahod, habang hinihintay ang desisyon ng Palasyo kung ito ba ay makakatulong o makakasama sa ekonomiya ng bansa.
Photo credit: Philippine News Agency website