Mga KapNoy ko, asan na ba kasi ang mga representante ng mga mas nakararaming mamamayang Pinoy? Iyong mga taong totoong nakakaalam kung paano talaga ang pagpilipit nila sa budget para naman magkaroon ng kahit papano’y disenteng pagkain sa bawat araw.
Sa totoo lang, sila ang tunay na makapagsasabi kung magkano nga ba ang sagad sa budget na kahit papano’y masasabing disenteng kain.
Kadaming nag-react sa sinabi ng NEDA na ang bawat KapNoy natin ay makakakain ng isang beses sa halagang P21.00, o P64.00 daw para sa tatlong tsibog sa isang araw. May pakonswelo pang P1.00 ‘yan! P21 X 3 = P63. Baka nga naman may kendi pang P1 para may dessert naman.
Para sa akin, ang sinabi ng NEDA ay hindi simpleng tungkol sa presyo para makakain ang ating mga KapNoy.
Mawalang galang na po sa mga matatalinong nasa NEDA, ang tingin ko rito ay upang ipamukha sa mga ordinaryong KapNoy natin na walang “food poor” dito sa atin. Na kayang makakain ng tatlong beses sa isang araw sa halagang P64, at kaya pang isang kendi para naman may panghimagas.
Maaaring mali ako, pero ang ganitong mga pakulo ay bilang panambla sa hindi matapos-tapos na katanungan ng ang ating mga KapNoy kung asan ang hayahay na dulot ng sinasabing milyones o bilyones na dolyares na nakukuha ng administrasyon bilang “investment” sa ating bansa.
Aba’y hindi nga naman matapos-tapos ang kalituhang ito ng masang KapNoy natin.
Para sa akin, napakahalaga ng pag-eenganyo ng ating administrasyong mamuhanan o mag-invest dito sa ating bansa. Subalit napakahalaga ring ang mga nakakalulang dolyares ay mahanapan ng paraang maipadama naman sa masang KapNoy na siya din naman talagang bumuo ng mga boto upang ang isang administrasyon ay maluklok sa pwesto.
Ika nga, boto ng mga KapNoy, benepisyo naman sana ang kapalit. Hindi ‘yung parang pinangangaralan ka pang “HOY! Sa P21 ay makakakain ka na!”
Nakow, parang pareho lang ito ng pinalabas na Noche Buena Budget ng isang departamento ng pamahalaan.
Ang halal na pangulo ay punong abala para akitin ang mga investments sa bansa. Ang mga departamento naman ay nararapat lamang na magtrabaho ng todo-todo para maibaba o maipaliwanang man lang sa masang KapNoy ang kagandahang epekto nito sa buhay-buhay.
‘Wag na tayong magpa-tumbling-tumbling pa sa kaiisip kung paano maipadarama sa mas nakararaming KapNoy natin ang magagandang bago na hatid ng Bagong Pilipinas.
Kasakit kasi sa tengang madinig ang karamihang nadidinig natin sa paligid: ASAN ANG BAGO SA BAGONG PILIPINAS?