Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga taxpayer na gampanan ang kanilang obligasyon sa papalapit na deadline para sa paghahain ng income tax return.
“As responsible citizens of the country, taxpayers have a collective obligation to pay the right amount of taxes due them. Revenues generated by the government enable the implementation of various programs and projects necessary to promote economic growth,” aniya sa isang pahayag.
Target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kumolekta ng P2.599 trillion ngayong taon na mas malaki sa aktwal na koleksyon na P2.3 trillion noong 2022.
“Wala nang dahilan pa ang mga taxpayers na hindi makapagfile ng kanilang income tax return bago o pagdating ng deadline lalo na’t maaari na silang pumunta saan mang branch ng BIR o bangkong otorisado ng BIR,” dagdag ni Gatchalian.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 32-2023, ang mga taxpayer ay maaari nang maghain ng kanilang 2022 Annual Income Tax Return (AITR) bago o sa mismong araw ng deadline na Abril 17 at magbayad ng buwis sa mga BIR-authorized na bangko o revenue collection officer sa mga BIR district office bukod sa branch kung saan nakarehistro ang taxpayer.
Nanawagan rin si Gatchalian sa BIR na bilisan ang programa nitong digitalization para mapadali ang pagbabayad ng mga taxpayer.
Naunang na siyang naghain ng Senate Bill 1199 o ang Taxpayers Bill of Rights and Obligations (TBORO) na may layuning bigyan ng kapangyarihan ang mga taxpayer sa pamamagitan ng pagtuturo ng kanilang mga pangunahing karapatan at obligasyon.Â
Sa ilalim ng panukala, hinahangad ng mambabatas ang paglikha ng Office of the Taxpayer Advocate para matiyak na pinangangalagaan ang mga karapatan ng mga nagbabayad ng buwis.
Ayon sa kanya, isa sa mga pangunahing karapatan ng mga taxpayer sa panukala ay ang karapatan na makilahok sa mga dayalogo na may kinalaman sa pagbabayad ng buwis at mga information education campaign ng mga revenue authority.