Pinuna ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) sa diumanong kapabayaan nito na mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang pugante sa bansa, na kasangkot sa samu’t-saring kriminalidad tulad ng human trafficking at iba’t-ibang online scams sa pamamagitan ng paggamit ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Noong Hunyo, nagsagawa ang pulisya ng raid sa Xinchuang Network Technology sa Las Piñas City, na nagresulta sa pagkahuli ng pitong dayuhang pugante. Noong Mayo naman, mayroon ding natukoy na pitong dayuhang pugante sa isinagawang raid sa CGC Technologies na nasa Sunvalley Corporation sa Pampanga. Ang Xinchuang at CGC ay parehong mga POGO-accredited service provider.
Ayon sa mga ulat ng pulisya, ang mga dayuhang pugante, kasama ang mga mula sa China at Taiwan, ay wanted dahil sa mga krimen tulad ng fraud, theft, drug trafficking activities, human trafficking, at online scams.
“Paano nakakalusot ang mga puganteng ito papasok ng bansa na kinukuha pa ng mga lisensyadong kumpanya ng POGO?” tanong ni Gatchalian
Binigyang diin niya na kung dumadaan sa istrikto at masusing pagsisiyasat ng immigration officers ang mga pasaherong Pilipino na palabas ng bansa, na dumadating pa sa punto kung saan ay hinahanapan ng kung anu-anong dokumento tulad ng birth certificates at transcript of school records, ay dapat ding maging masusi at istrikto ang ahensya sa mga kahina-hinalang dayuhang pumapasok ng bansa upang maiwasan ang kriminalidad sa bansa.
“POGOs corrupt the system kaya maraming palusot ang nangyayari. By allowing these fugitives to enter the country, some Bureau of Immigration personnel might have also been tainted by POGOs and the individuals involved should be properly investigated,” saad ng mambabatas.
Muli din siyang nanawagan na patalsikin na ang mga POGO sa bansa at binigyang diin na ang presensya ng mga ito ay may malaking kontribusyon sa pagkasira ng kaayusan at kapayapaan ng bansa.
Photo credit: PNP Anti-Cybercrime Group