Tututukan ng House Quad Committee (Quadcom) ang money trail sa drug war ng dating administration matapos ang pagbubunyag na may “reward system” umano na ipinatupad para sa mga drug suspects na mapapatay ng mga kapulisan.
Ayon kina Reps. Bienvenido Abante Jr. at Dan Fernandez, co-chairs ng Quadcom, hihingi sila ng tulong mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para matukoy ang cash flow na konektado sa operasyon. Ito’y matapos ibunyag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na idinaan sa banking system ang mga pabuya para sa pagpatay ng mga drug suspects
Sa testimonya ni Garma, sinabi niyang si dating pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go ang nagpatakbo ng “reward system” sa mga anti-drug operations. Bilang isang retired police colonel na malapit sa dating pangulo, inilahad niya kung paano ginamit ang mga pondo para gantimpalaan ang mga pulis na sumabak sa malagim na operasyon.
“The Quadcomm will leave no stone unturned. Those who profited from the killings must be held accountable, and the AMLC is key to tracking down these illicit transactions that led to the deaths of innocent civilians,” ani Abante.
Ayon naman kay Fernandez,ang paggamit ng financial institutions para sa illegal na aktibidad ay malalang krimen. Aniya, hahanapin nila ang bawat lead para matiyak na mananagot ang mga may sala.
Nakatakdang magpadala ang Quadcom ng formal request sa AMLC ngayong linggo upang simulan ang financial probe. Naniniwala ang mga mambabatas na makatutulong ito para malaman kung gaano kalawak ang network ng pondo sa likod ng drug war.
Hinikayat din ni Abante ang mga pulis na nakatanggap ng cash rewards na magsalita. “Your testimony could be critical to uncovering the truth. This is the time to speak up,” aniya.
Tiniyak naman ni Fernandez na magiging patas ang pagtrato sa mga makikipagtulungan at binigyan ng assurance na mabibigyan sila ng pagkakataon na linisin ang kanilang pangalan.
Ang Quadcom, na binubuo ng mga komite sa Human Rights, Public Order and Safety, Dangerous Drugs, at Public Accounts, ay nangakong tapusin ang imbestigasyon at tiyaking mananagot ang lahat ng may kinalaman, anuman ang ranggo o posisyon.
Ayon sa mga co-chairs, ang financial investigation ay mahalaga sa pagtukoy ng mga pondo at pagkilala sa mga tumanggap nito, upang malaman ang tunay na saklaw ng drug war at ang mga personalidad na posibleng nakinabang sa karahasan.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH