Tuesday, January 28, 2025

Padilla Iminungkahi Ang Potensyal Ng Medical Marijuana Sa Pag Ambag Sa Pondo Ng Gobyerno

6

Padilla Iminungkahi Ang Potensyal Ng Medical Marijuana Sa Pag Ambag Sa Pondo Ng Gobyerno

6

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Sa pagdinig ukol sa 2023 national budget noong Lunes, iminungkahi ni Senador Robinhood Padilla ang kapasidad ng medical marijuana sa pag-ambag ng pondo sa mga programa ng pamahalaan at ikabubuti ng mga Pilipino. 

Ayon sa senador, mainam na madagdagan ang mga pamamaraan sa pag-generate ng kita lalo na’t maraming mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) ang umaasa sa gobyerno para sa kanilang taunang pondo. 

Dagdag pa niya, huwag sanang makaligtaan ng gobyerno ang kanilang tungkulin na tumbasan at higitan pa ang kontribusyon ng mamamayan. 

“Kailangan po nating palaguin ang ating ekonomiya at sa puntong ito, malaki po ang maiaambag ng industriya ng medical cannabis na tuloy-tuloy po ang pag-usbong sa iba’t ibang dako ng mundo,” saad ni Padilla sa kanyang privilege speech tungkol sa kanyang adbokasiya na gawing legal ang medikal na gamit ng cannabis upang makatulong ito sa ekonomiya.

Ipinunto rin ng senador na ang 8-point socioeconomic agenda ng kasalukuyang administrasyon ay lubhang nakadepende sa  P5.268 trilyong budget sa susunod na taon kung saan ang tinatayang kita ay papatak sa  P3.632 trilyon at ang nalalabing P2.207 trilyon ay uutangin. 

Ang socioeconomic agenda na tinukoy niya ay nakasentro sa iba’t-ibang industriya gaya ng de-kalidad na trabaho, “green jobs,” pamumuhunan sa impastraktura, digitalization, at iba pang mga programa.  

“Kung kumporme tayo na mangutang para mapunan ang ating mga plano, hindi po ba nararapat lamang na maging masigasig din tayo na maghanap ng mapagkukunan natin ng kita? At kung hahanap tayo ng pandagdag pondo, huwag naman po sana at naniniwala po ako na hindi papayag ang Senado na muli na naman tayong magdagdag ng buwis para pasanin ng ating mga kababayan na ngayon ay naghihirap.”

“Hindi naman tayo dapat mangamba. Ika nga, ‘Don’t panic, it’s organic,” punto ni Padilla.

Bukod sa pakinabang ng medical marijuana sa kalusugan, ang kontribusyon sa ekonomiya ang isa rin sa mga dahilan ng adbokasiya ng senador kung kaya’t isinusulong niya ang Senate Bill 230 na magbibigay ng legal na access sa medikal na gamit ng naturang halaman. 

Matapos ang kanyang talumpati, iminungkahi niya na isangguni ang kanyang mga argumento sa Ways and Means Committee upang mapag-aralan ang  economic viability, feasibility, at benepisyong medikal ng medical cannabis.

Dagdag nito, ilang GOCC na ang nalugi nitong nakaraang taon kabilang na ang mga highly subsidized na ahensyang walang ambag na dibidendo gaya ng National Food Authority, Philippine Coconut Authority, National Electrification Authority, National Power Corporation, Philippine Sector Assets and Liabilities Management Corporation, Philippine Tax Academy, Southern Philippine Development Authority, at Tourism Promotions Board.

Dapat umanong itigil na ang aniya’y “milking cow phenomenon” kung saan inaasa lamang ng mga GOCC ang kanilang taunang pondo sa gobyerno.

“Batid po natin na ang mga korporasyon ay may mahalagang mandato para sa serbisyo publiko at hindi nila pangunahing tungkulin ang kumita o tumubo. Nguni’t umaasa tayo na magpursigi ang mga GOCCs na magkaroon ng disiplina sa pinansyal na pamamahala, maging transparent at tumugon sa kanilang pananagutan sa kaban ng bayan.”

Ayon sa senador ang Asya na may higit 4.5 bilyong populasyon ay ang pinakamalaking merkado para sa kanyang adbokasiya at ang cannabidol content umano ng cannabis sa Pilipinas na mas mataas kumpara sa ibang bansa ay may malaking potensyal.

Idiniin niya na noong 2021 ang pandaigdigang bentahan ng medical cannabis ay pumatak sa $37.4 bilyon at sa kabila ng mahigpit na regulasyon sa Asya, noong taong 2020 lamang ay tinatayang $158.9 milyon o P8.7 bilyon ang nagastos ng mga konsyumer sa Israel.

Pahayag pa ng mambabatas, ang regulasyon sa rehiyon ng Asya ay unti-unti nang nagbubukas ang pinto.

Dagdag pa niya, sa karatig bansang Thailand na apat na taon nang ligal ang paggamit ng medical marijuana, tinatayang $79 milyon na ang halaga ng merkado nito.

“Napakarami pong posibilidad para makatulong sa ating pamumuhunan — lalong lalo na para sa ating bansa na nangangailangan ng pagkukunan ng pondo,” ani Padilla.

Iprinisenta rin niya ang datos mula sa Estados Unidos mula 2016 hanggang 2019 kung saan lumabas na ang cannabis ay may “moderate to high quality of evidence of efficacy, effectiveness, and safety” laban sa mga medikal na kondisyong legal na gamitin ito. 

Karagdagang tugon ng mambabatas, nitong Disyembre 2020 ay naglabas ng desisyon ang United Nations Commission on Narcotic Drugs na alisin na ang cannabis sa listahan ng mga mapanganib at nakakaadik na gamot.

Sa kasalukuyan, legal na ang paggamit ng ilang uri ng cannabis sa 70 bansa at nauulat na 4.4 milyong pasyente ang may access sa mga legal na produkto nito.

Photo credit: Facebook/ROBINPADILLA.OFFICIAL

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila