Mariing kinokondena ni Senador Robin Padilla ang pamamaril sa broadcaster na si Percy Lapid nitong Lunes ng gabi.
“Walang puwang sa ating lipunan ang mga ganitong karumaldumal na krimen, maging nasa media man, sibilyan, o unipormado man,” aniya sa isang pahayag.
Ayon sa manugang nito, binubuntutan si Percy Lapid habang papunta sa kanyang bahay para mag-online broadcasting, pero bago pa man nakakapasok sa kanilang village ay pinagbabaril na siya ng dalawang hindi pa natutukoy na mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Ayon kay Padilla, ang pagkakapaslang na ito sa isang mediaman ay pagyurak po sa malayang pamamahayag na pinagtitibay ng Saligang Batas.
“Ako po ay nakikiramay sa pamilya at sa mga mahal sa buhay na iniwan ni Percy – at nananawagan sa ating mga awtoridad na hulihin ang mga salarin at lutasin ang karumal-dumal na krimeng ito sa lalong madaling panahon,” dagdag niya.
“Nakikiisa ako sa hangad ng taumbayan na magkaroon ng hustisya kay Percy, at mapatawan ng karampatang parusa ang mga pumaslang sa kanya.”
Photo Credit: Senate of the Philippines website