Thursday, January 16, 2025

Padilla Nanawagan Na Simulan Na Ang Joint Exploration Sa WPS

6

Padilla Nanawagan Na Simulan Na Ang Joint Exploration Sa WPS

6

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Muling umapela si Senador Robinhood “Robin” Padilla na bigyang pansin ang kanyang Senate Resolution No. 9 na nananawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang buksan muli ang bilateral na ugnayan sa gitna ng Pilipinas at Tsina patungkol sa kooperasyon na joint exploration sa potensyal na oil and gas reserves ng West Philippine Sea (WPS).

“Kung hindi pa po natin sisimulan, saan pa? Kung hindi po ngayon, kailan pa po tayo aaksyon?” tanong ni Padilla. 

Ayon sa senador, wala nang oras upang magpatumpik-tumpik pa ang bansa dahil pinalilibutan na ng malalaking barko ng China na aniya ay “nagkukubling fishing vessels” ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Binigyang diin din niya ang krisis na kinakaharap ng ordinaryong Pilipino pagdating sa presyo ng langis na naaapektuhan ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine. 

“Ang sa ganang akin naman po ay isang mapagkumbabang panawagan na maging bukas tayo sa abot ng ating makakaya sa mga pamamaraang nakikita natin na maaaring makatulong upang ibsan ang nararamdamang sakit ng ating bayan, lalo ang naghihikahos nating mga kababayan,” panawagan niya sa isang privilege speech.

Dagdag ng baguhang senador, ang joint exploration ay isang paraan upang maiwasan ang isyu ng soberanya sa pagitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng magkasamang pagsaliksik at pag-galugad sa isang lokasyon na may likas na yaman. 

Naibahagi rin ng senador ang kanyang karanasan nang maglayag siya nitong nakaraang taon at nakatagpo umano sila ng malalaking vessels mula sa China at Vietnam sa mga katubigan sa paligid ng Reed Bank na parte ng territorial waters at exclusive economic zone ng Pilipinas. 

Tiniyak ng senador na hindi fishing vessels ang mga ito kundi, naglalakihang industrial vessels.

“Habang patuloy ang debate at bangayan dito sa Maynila, ang West Philippine Sea po ay pinamamahayan na ng naglalakihang industriyal na barko ng Tsina na nagkukubling fishing vessels. Huwag naman po sana mangyari na bago pa man tayo makarating sa isang kasunduan ay wala na tayong mabubungkal dahil naubos na ang ating inaasahang likas-yaman,” ayon sa mambabatas.

Binalikan din ng mambabatas ang pahayag ng dating ambassador ng China na si Jiu Jianchao kay Marcos na nawa’y bigyan ng pagkakataon ang diskusyon tungkol sa joint exploration ng dalawang bansa. 

Inalala ng senador ang nabanggit ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na “pag-aaaralan ito ng executive.”

Hindi sapat para sa senador na pag-aralan lamang ang paksa sapagkat dapat umanong simulan na ang pakikipag-ugnayan sa kabilang panig tungkol sa joint exploration. Tiwala naman siya na hindi pababayaan ni Pangulong Marcos ang soberanya at Saligang Batas.

Ayon kay Padilla, isang suliranin ng bansa ay ang mabagal na pag-unlad ng ekonomiya dulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahin bilhin. Dahil dito, binigyang diin ng senador na dapat ay maging bukas ang Pilipinas sa mga pamamaraan na makatutulong “ibsan ang nararamdamang sakin ng ating bayan.” 

Isa sa mga suhestiyon ng senador ang pagbuo ng partnership sa mga karatig bansa o kumpanysa na hindi na bago sa rehiyon ng Southeast Asia, ilan dito ay ang ugnayan ng Malaysia at Thailand o ang pakikipagusap ng Vietnam, Malaysia, at Indonesia sa mga pribadong sektor. 

“Kung nagawa ng mga bansang ito na magsigasig sa pag-aaral at pairalin ang bukas na isip at diplomasya, bakit hindi natin muli bigyang pansin at konsiderasyon ang usaping ito?”

Iginiit ng mambabatas na kailangang pairalin ang bukas na isip na walang halong panghuhusga kung matuloy man ang usapin. 

“Sapagkat sa puntong ito, ako ay naniniwala na hindi makakatulong ang agarang pagharang sa usapin ng joint development. Nakatiwangwang lang po ang ating yamang gas at langis,” aniya.

Ayon sa US Energy Information Administration, tinatayang may mula 0.8 hanggang 5.4 bilyong bariles ng langis at 7.6 hanggang 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas ang pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea.

Mula sa datos ng mga mag-aaral, ang malaking bahagi ng naturang resources ay matatagpuan sa Recto Bank o kilala rin bilang Reed Bank na may malaking posibilidad upang maging kahalili ng Malampaya natural gas fields na nagbabadya nang matuyo nitong 2027.

Photo credit: Facebook/ROBINPADILLA.OFFICIAL

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila