Saturday, January 11, 2025

Padilla: Panahon Na Para Repasuhin Ang Batas Sa Responsableng Pagmimina

3

Padilla: Panahon Na Para Repasuhin Ang Batas Sa Responsableng Pagmimina

3

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Panahon na para repasuhin ang batas sa pagmimina para matiyak ang pagprotekta sa kalikasan at sinisiguro na sapat ang pondong malilikom ng pamahalaan sa sektor na ito, ayon kay Senador Robinhood “Robin” C. Padilla.

Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee B, na tumalakay sa 2023 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nitong Martes, iginiit niya na masyado nang maliit ang multa na ipinapataw ngayon sa mga naglalabag sa kasalukuyang batas – tulad ng Republic Act 7942, na ipinasa noon pang 1995.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang hindi sumunod sa Environmental Compliance Certificate at nakasira sa kapaligiran dahil sa polusyon ay papatawan ng hanggang anim na taong pagkulong o multang aabot ng P200,000 lamang.

“Ang pinakamataas dito na pwede natin singilin sa talipandas na ito, P200,000 lang. Pambihira, napakapambihira po!” ani Padilla

Sumang-ayon naman si Environment Secretary Ma. Antonia Loyzaga sa punto ng mambabatas na panahon na para ma-review ang Mining Law. 

“Yes we feel it’s time to review the mining law. 1995 pa yan,” aniya. Dagdag ng kalihim, kailangan ang “stability of business environment” kung saan hindi pabago-bago ang polisiya ng pamahalaan.

Dagdag niya, hindi pa gaanong kalaki sa ngayon ang kakayahan ng pamahalaan para magtatag ng patakaran para sa mamumuhunan kung saan tinitiyak ang social protection para sa manggagawa.

Samantala, nais din ni Padilla na paunlarin ang sektor ng pagmimina at tularan ang halimbawa ang pagmimina sa Sweden, kung saan nakalikom ang kanilang pamahalaan ng 26 bilyong krona o P135.422 bilyon.

Kung magawa ito sa Pilipinas, aniya, maaaring mabayaran ang napakalaking bahagi ng P13-trilyong utang natin dahil sa pananaliksik na may gold reserves ang Pilipinas na umaabot sa $1.4 trilyon, at $7 trilyon kung kasama ang nonmetallic reserves.

Ayon din sa mambabatas, nais niyang maibalik ang panahong malaki ang puhunan ng dayuhang kumpanya sa Pilipinas, kung saan may sapat na karapatan ang manggagawa tulad ng housing, at nakapag aral ang mga anak nila. Sa kasalukuyan, aniya, “talong talo” ang gobyerno sa kinikita habang mahirap na ngayon ang manggagawa sa sektor na ito.

Dahil dito, tinanong ni Padilla kung kailangan na bang amyendahan ang probisyon sa 1987 Constitution, lalo ang limitasyon na 40 percent lang ang puhunan ng dayuhang mamumuhunan. “Sa palagay ninyo, meron tayong kailangan baguhin sa Konstitusyon? May epekto ang 60-40 sa Konstitusyon sa exploitation, development and utilization ng ating mineral resources?” aniya.

Inamin naman ni Wilfredo Moncano ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR na bagama’t pwedeng magkaroon ng higit 40 percent puhunan ang dayuhang mamumuhunan sa ilalim ng Financial Technical Assistance Agreement setup, sobrang laki ng capital requirement kung kaya’t umaayaw dito ang Pilipinong may foreign partner.

Photo Credit: Facebook/DENROfficial

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila