Isiniwalat ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Alejandro Tengco na may koneksyon daw si dating presidential spokesperson Harry Roque sa nahuling illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hud sa Pampanga.
Sa Senate hearing tungkol sa isyu ng POGO, inilantad ni Tengco na dawit ang pangalan ni Roque sa operasyon ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. matapos niyang ipakilala ang may-ari ng kumpanya na si Cassandra Lee Ong sa PAGCOR.
Giit ni Tengco, nagkausap sila ng dating presidential spokesperson matapos makisuyo aniya tungkol sa hindi nabayarang tax ng kumpanyang Lucky South 99 Inc.
“Dumating po si dating Secretary Harry Roque kasama po ang isang babae at ipinakilala po niya sa amin ni Atty. Jessa. Ang babaeng yun ay si Cassandra Lee Ong […] sinabi po niya sa may problema pong hinaharap si Binibining Cassandra Lee Ong at ito’y nauukol sa kanyang pagbabayad ng lahat ng mga billing ng kumpanyang kinakatawan niya sa PAGCOR.”
Sa kanilang meeting, sinabi ni Tengco na nagpresenta ang POGO ng mga dokumento na magpapatunay na nagbabayad sila sa tamang oras ngunit hindi “complied” anila ng kanilang liaison na si Dennis Cunanan.
Matapos ang meeting na ito, sinabi ni Tengco na hindi na siya nagkaroon ng ibang interaksyon pa kasama si Roque at tanging si Ong na lamang ang kanyang nakakausap tungkol sa isyu. Aniya, hindi na umano nagpumilit pa si Roque na pagbigyan sila ng chance na mabayaran ang kanilang unpaid taxes.
“[H]indi po naman niya ako pine-pressure. Kung bagay, bilang abogado siguro, bilang kliyente niya, nagpa-facilitate lang at nakikiusap po siya.”
Ang pahayag na ito ay dineny naman ni Roque at sinabing hindi siya kailanman naging legal counsel sa POGO lalong-lalo na sa Lucky South 99 Inc.
“I have no reason to deny my legal engagement with Lucky South if there is truth to it. Providing legal representation is why the legal profession exists. But the reality is that an attorney-client relationship is of the highest fiduciary relationship and cannot be presumed unless there is a clear retainer between counsel and client,” dagdag ni Roque.
Sinabi rin ng dating presidential spokesperson na nakilala niya lamang si Ong dahil naging kliyente niya ang Whirlwind Corporation, na nagsilbing service provider ng Lucky South 99 Inc.