Matapos ang pinsalang idinulot ng Super Typhoon “Egay” sa Luzon, personal na binisita ni La Union Governor Rafy Ortega-David ang mga evacuation center sa lalawigan at nakipag-ugnayan sa mga relief efforts para sa mga apektadong residente.
Pinangunahan niya ang relief operations at tiniyak ang kaligtasan ng mga residente ng probinsya. Kasama si Mayor Joy Merin, bumisita si Ortega-David sa mga evacuation center sa bayan ng Bangar, kinumusta ang kalagayan ng mga lumikas na residente, at nagbibigay ng kinakailangang suporta.
“Atin pong personal na kinamusta ang kalagayan po nila at na-ensure po natin na safe po sila sa evacuation centers,” aniya sa social media.
Kasama rin si Mayor Gary Napeñas Pinzon ng bayan ng Luna, patuloy na sinusubaybayan ng gobernador ang sitwasyon sa buong lalawigan at nakipagtulungan sa mga first responder, na aktibong nakikibahagi sa rescue at clearing operations sa Ilocos Norte at iba pang apektadong lugar.
“Ang maagap at mabilis na pagresponde po natin ay hindi magiging posible kung hindi tayo nagkakaisa at nagla- La Union PROBINSYAnihan,” giit niya, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagharap sa mga hamon na dala ng natural na kalamidad.
Habang nananatiling matatag ang lalawigan ng La Union sa harap ng kalamidad, naglaan ng ilang sandali si Ortega-David upang iabot ang kanyang saloobin at panalangin sa mga residente ng Luzon, na naapektuhan din ng bagyo. Hinikayat niya ang lahat na magsama-sama at suportahan ang bawat isa.
“I’m continuously praying for the safety of our Kaprobinsiaan and the rest of Luzon na naapektuhan ng bagyong ito. May we take this day to recover and recharge.”
Photo credit: Facebook/GovRafy