Pinaiimbestigahan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Senado ang pagkakasangkot ng diumano ng mga pulis sa nakumpiskang iligal na droga sa Tondo, Manila na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Ang inihain niyang Senate Resolution No. 564 ay naglalayong magkaroon ng malalim na imbestigasyon sa mga alegasyon laban sa ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos ang drug buy-bust operation na naganap noong Oktubre 8, 2022 na naunang iniulat ni Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr..
“Sec. Abalos thus far has risen to the ocassion and stepped up to this big challenge. Ang kasunod, kailangang mapanagot ang mga may-sala at mapigilan na maulit pa ang ganito,” idiniin ni Revilla.
“Ito ang dahilan sa likod ng paghiling natin sa Senado na tignan at suriin ang pangyayaring ito. Para tumulong na siguruhing mananagot sa batas ang mga halang ang kaluluwa sa likod ng kalapastanganan na ito,” dagdag niya.
Base sa isang pahayag, binanggit ni Abalos na mayroong “massive attempt” na pagtakpan ang pagkaaresto ni Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., isang miyembro ng PNP na nagmamay-ari ng ari-arian kung saan may nadiskubre na iligal na droga may halagang P6.7 billion.
Base sa testimonya ng ilang personalidad at ibang ebidensya na nakuha sa imbestigasyon ng National Police Commission, may iba pang sangkot sa ilegal na droga.
Ipinakita ni Abalos ang isang CCTV footage kung saan ang ibang miyembro ng pulis ay nakita noong araw ng buy-bust operation. Sinabi rin ni Abalos na ipinapakita ng bidyo ang iba’t ibang eksena mula sa salaysay na nasa mga ulat na ibinigay ng PNP.
Nakita sa footage sina Police Lieutenant General Benjamin Santos Jr. na dating deputy chief PNP for Operations; Brigadier Gen. Narciso Domingo, director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG); Colonel Julian Olonan, hepe ng PDEG Special Operations Unit (SOU) Region 4A; Captain Jonathan Sosongco, pinuno ng PDEG SOU 4A arresting team; Lt. Col. Arnulfo Ibañez, officer in charge ng PDEG SOU sa National Capital Region (NCR); Major Michael Angelo Salmingo, deputy ng PDEG SOU NCR; Lt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District; Lt. Ashrap Amerol, intelligence officer ng PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division; Lt. Col. Harry Lorenzo, Manila Police District Moriones Station commander; at Captain Randolph Piñon, hepe ng PDEG SOU 4A Intelligence Section.
Photo credit: BOC Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port