Iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian ang paglikha ng isang National Public School Database upang mapalawig ang access ng publiko sa mga record ng mga mag-aaral at mapadali ang proseso ng enrollment.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 478 o ang Public School Database Act, lilikha at magpapatakbo ang Department of Education (DepEd) ng National Public School Database kung saan matatagpuan ang mga impormasyong tulad ng grades, personal na datos, good moral record, at improvement tracking.
“Ang National Public School Database ay magsisilbing mekanismo para sa pagbibigay ng napapanahon, akma, at wastong impormasyong makatutulong sa pagpapadali ng mga gawain ng ating mga guro,” ani Gatchalian sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, ang mga pisikal na dokumento ay madaling masira at mawala dahil sa kawalan ng maayos na lalagyan dahil sa baha, sunog, at iba pang mga kalamidad. Kung maisasantabi ang mga record ng mag-aaral sa isang database, mapapanatili ang kanilang impormasyon na makakatulong sa assessment, pagpaplano, at pagtatakda ng mga operational targets.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga school administrator ay bibigyan ng access sa National Public School Database kung saan matatagpuan ang mga datos ng mga mag-aaral, kabilang ang mga exam scores, grade levels, attendance, at record ng pagbabakuna. Ito ay para makatulong sa pagtala ng biographical data para sa lahat ng mag-aaral at makatulong sa admission at discharge, at sa paglipat ng mga mag-aaral sa ibang paaralan.
Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang Database Information Program para sa pagsasanay ng mga education professionals sa paglikha at pagpapanatili ng National Public School Database.
Magiging mandato rin sa DepEd na tiyakin ang kaligtasan ng impormasyong nakalagay sa National Public School Database. Sa ilalim ng panukalang batas, ang pag-access at paggamit sa impormasyong matatagpuan sa National Public School Database ay dapat maging alinsunod sa Republic Act No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.
Photo Credit: Official Gazette website