Inanunsyo ng Makabayan Bloc na nasa proseso na ito ng pagpili para sa sariling senatorial slate na may 12 na kandidato para sa 2025 midterm elections.
Sa isang pahayag, sinabi ng progressibong grupo na ang hakbang na ito ay naglalayong magbigay ng progresibong alternatibo sa kasalukuyang political landscape.
“Nahaharap sa napakatinding krisis ang bansang Pilipinas,” ayon dito. “Bagsak ang kabuhayan, hikahos ang mamamayan, kinakaladkad sa digmaan ng mga imperyalista, nilulustay ang kabang yaman, inaapakan ang ating mga karapatan.”
Nangako rin ang Makabayan bloc na maghahanap ito ng mga kandidatong kumakatawan sa interes ng mga marginalized at nagtataguyod para sa tunay na pagbabago sa lipunan.
“Sawang-sawa na ang taongbayan sa awayan ng mga pulitikong pansariling interes lamang ang isinusulong,” pagpapatuloy nito. “Sukang-suka na ang taongbayan sa paulit-ulit na panloloko ng mga naghahari-harian sa bansa. Kada eleksyon na lamang ay pangakong napapako at ibayong pagkalugmok sa krisis ang hatid nila sa taongbayan.”
Binigyang-diin din ng grupo ang pangako nitong ipaglaban ang reporma sa lupa, mas mataas na sahod, industriyalisasyon, soberanya, karapatang pantao, anti-korapsyon, at usapang pangkapayapaan.
“Sa darating na halalan, taos-puso naming iniaalay sa mamamayang Pilipino ang Makabayan. Oposisyon ng bayan, tagapagsulong ng bagong pulitika, at tagapagtaguyod ng plataporma ng tunay na pagbabago. Taong-bayan naman. Sulong, Makabayan!,” pagtatapos nito.
Ang Makabayan bloc ay binubuo ng limang progresibong partylist, ito ay ang ACT Teachers partylist, Gabriela Women’s party, Kabataan partylist, Bayan Muna partylist at Anakpawis. Ang unang tatlo ay may kasalukuyang mga kinatawan sa Kamara.
Photo credit: House of Representatives website