Pabor sina Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. at Lanao del Sur 1st District Representative Zia Adiong sa pagsibak ng substitution of candidates sa darating na midterm elections ngayong 2025.
Ayon sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec) en banc, hindi na maaring magkaroon ng substitution ang mga kandidato kapag sila ay nakapagpasa na ng COC o Certificate of Candidacy upang hindi malito ang mga botante sa mga kandidatong tatakbo ngayong 2025 midterm elections at upang maiwasan na rin ang posibleng dayaan.
“Unanimous po, pumayag ang ating Commission En Banc sa naging proposal ng inyong lingkod na wala nang substitution after ng last day ng filing ng candidacy, which is October 8 [2024], kung ang ground ay withdrawal ng candidacy,” ani ni Comelec chairman George Garcia.
Ang kautusang ito ay sinuportahan nina Abante at Adiong dahil anila makakatulong ito upang hindi magmukhang katawa-tawa ang gobyerno sa taong bayan. “Wala na ‘yung surpre-surpresa, wala na ‘yung drama,” saad ni Abante.
Dagdag pa ng solon, mas magiging malinis at maayos ang darating na halalan kung walang candidate substitution.
“Kaya ang desisyon ng Comelec ay isang paalala na sa halalan, hindi dapat gamitin ang loopholes o mga paraan upang mag-manipulate. […] Dapat alalahanin na ang integrity at transparency ay mahalaga sa tunay na demokrasya.”
Ganito rin ang naging pahayag ni Adiong na ang substitution ban ay mas magpapakita ng totoong layunin ng gobyerno na magkapaghalal ng mga opisyales na magbibigay ng totoong serbisyo-publiko sa mga Pilipino.
“If you really have the intention to enter into public service and serve the people, you must also give the people, allow them to really know you, who you are, ano po ‘yung experience mo in public service para ma-scrutinize po nila kayo.”
Batid pa ni Adiong, malaki ang nagiging epekto sa taong bayan ng papalit-palit na kandidato tuwing eleksyon. “Para magkaroon din po sila ng well-informed decision pagdating po ng election at hindi ‘yung magugulat na lang sila sa mga kandidato kasi bigla-bigla nalang nag-iiba ang mga mukha na nakikita nila.”
Matatandaang ang substitution of candidates ay nangyari na rin ng dalawang beses nang nakaraang mga eleksyon. Noong 2015, pinalitan ni former Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pangunahing presidential candidate ng PDP-Laban para sa 2016 elections na si Martin Diño.
Samantalang noong 2021, humalali naman si dating Davao City Mayor Sara Duterte kapalit ni Lakas-CMD party-mate Lyle Uy matapos magpasa ng kanyang certificate of candidacy.