Bilang tugon sa mga nakakaalarmang ulat ng mga pamilyang nabiktima ng tinatawag na hospital detention dahil sa hindi nababayarang hospital bills, mas pinaigting ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang pagsusulong ng mas mahigpit na parusa laban dito.
Binigyang-diin niya ang pagkaapurahan ng pagpasa ng panukalang batas na inihain niya noong 2022 para tugunan ang mga pang-aabusong ito.
“Doble-dobleng pasakit ito sa mga pamilya ng mga pasyente. Nawalan na nga ng mahal sa buhay, lubog pa sa gastusin, tapos hindi pa papayagang makauwi mula sa ospital? Sobrang abuso naman ‘yang ‘palit-ulo scam’ na ‘yan!”
Kinondena pa niya ang mga ospital na nakikibahagi sa mga gawaing ito, na sinasabing, “If true, these hospitals are brazenly committing crimes in broad daylight. Klaro sa batas na bawal ang hospital detention at pwedeng makulong at pagmultahin ang sinumang lumabag dito. The Department of Health must take immediate action on this and make sure incidents like these do not happen again.”
Ang Senate Bill No. 140, ay naglalayong taasan ang mga parusa para sa hospital detention. Iminumungkahi nito na habaan ang jail time para sa mga health facility officer na lalabag sa hanggang dalawang taon at apat na buwan, na may multa mula P100,000 hanggang P300,000.
Sa kasalukuyan, ang batas ay nagpapataw ng pagkakakulong ng isang buwan hanggang anim na buwan at multa ng P20,000 hanggang P50,000 para sa hospital detention sa mga indigent o ward patient.
Kasama rin sa panukala ni Hontiveros ang mga probisyon para sa mga guarantee letter mula sa mga institusyon tulad ng Social Security System o Philippine Health Insurance Corp., na nagpapagaan ng mga pinansiyal na pasanin sa mga pasyente. Ito ay magtatatag ng isang Anti-Hospital Detention Assistance Fund upang akuin ang hindi nabayarang promissory notes ng mga indigent na titiyak sa access sa medical care.
“The anti-hospital detention law was passed way back in 2007. Talagang napapanahon nang i-update ito at lagyan ng mas matalas na pangil para matuldukan na ang ‘di makataong pag-detain sa mga pasyente pati na rin sa mga kapamilya nila,” panawagan niya.
Photo credit: Facebook/senateph