Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na panatilihin ang kanilang pangako na labanan ang mga ilegal na gawain sa gaming industry.
“Let this anniversary therefore be a call to the future — a future where PAGCOR is at the front and center in reshaping the gaming landscape with responsible practices, unwavering integrity, and a steadfast commitment to combating illicit activities,” pahayag niya para sa 40th Anniversary ng PAGCOR.
Ipinahayag din ni Marcos ang kanyang optimismo sa magagandang taon na kakaharapin ng PAGCOR kasabay ng kanyang pagkilala sa mga makabuluhang kontribusyon nito sa pagbuo ng bansa, partikular na sa turismo ng bansa, paglikha ng trabaho, pagpapalawak ng mga serbisyong panlipunan sa mga marginalized sector, at pagsuporta sa mga pangunahing programa ng gobyerno.
“Certainly, PAGCOR has made an indelible mark in our society with its undeniable contribution to nation-building,” aniya.
Binigyang diin ng Pangulo ang napakalaking resources na tinataglay ng PAGCOR at ng kapasidad ng mga manggagawa nito. Hinimok niya ito na magtakda ng mga bagong pamantayan at ipagpatuloy ang pagiging isang nangungunang pwersa sa gaming industry, na hindi lamang financial success ang nakakamit ngunit lumilikha rin ng social impact.
“May you remain a shining example of what it means to be workers at PAGCOR—individuals who stand firm in their dedication to service, excellence, and integrity, [and] who are determined to leave their mark not only in the gaming industry, but in our society as a whole,” saad ni Marcos.
Ayon sa chairman at CEO ng PAGCOR na si Alejandro H. Tengco, ang kabuuang Contributions to Nation Building (CNB) ay umabot sa humigit kumulang P607 bilyon sa nakalipas na apat na dekada, habang ang total dividend remittances mula 2011 ay P64 bilyon na ngayon.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos, may kabuuan nang P45 bilyon CNB ang PAGCOR. Target ng ahensya na maabot ang P70 bilyon sa pagtatapos ng taon.
Kabilang sa mga programang ipinatupad ng PAGCOR ay ang pagtatayo ng mga silid-aralan, multi-purpose evacuation centers, at pagbibigay ng tulong o subsidiya sa mga institusyon, tanggapan ng gobyerno at indibidwal.
Sinusuportahan din ng korporasyon ang funding ng mga program sa ilalim ng Universal Health Care, Philippine Sports Commission, at ang Dangerous Drugs Board.
Photo credit: Presidential Communications Office Website