Marahil ang salitang ‘Ano ba ang ambag mo?’ ang kadalasang binabato sa ating mga kabataan sa tuwing tayo’y maglalabas ng opinyon tungkol sa kilos ng mga nasa kapangyarihan. Partikular sa kanilang hakbang sa pagsugpo ng mga samu’t saring krisis ng ating bansa. ‘Ano ba ang ambag mo?’ Tila ang katagang ito ay naging sandata upang tayo ay busalan, patahimikin, at pigilan ang malayang paghayag ng ating saloobin. Sa kabilang banda, ang suliranin na ito ay patuloy na nababanaag sa ating lipunan kaya’t marami na rin ang may pag-aalinlangan at nakakadama ng takot sa pagbibigay ng kanilang komento ukol sa ating gobyerno.
Sa kasalukuyang panahon, ang tinig nating mga kabataan ang pinakamalakas umalingawngaw sapagkat ito ay nakakahikayat ng kapwa natin kabataan na mas maging mulat at mapanindigan para sa mga karapatan at adbokasiya na ating ipinaglalaban. Marami ang itinuturing tayong mga kabataan bilang isang banta, kaya naman habang maaga pa ay kanila ng sinusupil. Ngunit, sa tuwing tayo ay nakakaramdam ng panggigipit, mas lalo tayong nagpupumilit. Nagpupumilit na iparating sa otoridad ang ating hinaing na huwag tayong baliwalain sapagkat kinabukasan natin ay atin ring iniisip.
Marahil karamihan ang tingin sa kabataan ay aktibista, kaaway ng gobyerno, raliyista at parte ng kilusan. Kabataan na minsang naging pangitain ng ating pambansang bayani at hinirang na pag-asa ng bayan. Ngunit ang pag-asa ay tila itinuturing na banta sa taglay nitong lakas. Hindi man kaaya-aya sa paningin ng iba ang ating isinusulong, ang ating boses ay hindi magagapi kaylanpaman. Tayong mga kabataan na patuloy na lumalaban sa pagmamalabis at maling adhikain ng mga taong nasa pwesto ang siyang magiging lakas ng mga taong hindi makalaban at patuloy na sinasamantala. Kaya naman sa mga taong nag-aalinlangan kung mayroon bang papupuntahan ang ating isinisigaw, laging tatandaan – tayong mga kabataan pa rin ang kinabukasan ng bayan!