Inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill (HB) No. 7387 o ang panukala kung saan lalawak ang sakop ng serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para isama ang pagprotekta sa mga magsasaka laban sa pagkalugi mula sa epekto ng mga kalamidad, plant diseases at pagkalat ng peste sa mga pananim, ayon sa opisina ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sa ilalim ng panukala, sakop ng insurance ang mga agricultural commodity gaya ng palay crops at iba pa ayon sa Board Directors ng PCIC.
Itinala rin sa panukala ang polisiya ng estado na buuin at suportahan ang sapat na agricultural insurance program bilang mekanismo para sa pamamahala sa panganib na maaaring mangyari sa sektor ng agrikultura at patatagin ang nararanasang financial fluctuations ng mga agricultural producer sa pagkawala ng mga pananim o livestock.
Kasama sa programa ang mga agricultural facility at iba pang kaugnay na mga imprastraktura para manghikayat sa mga lending institution na palawigin ang pagpapautang sa sektor ng agrikultura.
Sakop rin ng insurance ang halaga ng mga production input, ang trabaho ng magsasaka at ang parte ng expected yield base sa mga board director.Â
Hindi kasama sa panukala ang insurance protection sa pagkalugi dahil sa maiiwasang panganib na dulot ng pagpapabaya, pagkakamali o panlilinlang na ginawa ng insured o kahit sinong miyembro ng pamilya nito o empleyado.
Kinakailangan rin ng PCIC na magbigay ng mga reinsurance service para sa mga nais magbigay ng agricultural insurance.
Sa ilalim ng panukala, ang insured farmer na hindi nag-file ng claim sa loob ng tatlong panahon ng pananim o ang insured fish pond o fish cafe operator na hindi nakapag-file ng claim ay maaaring magkaroon ng no-claim benefit na 10 porsyento ng kanilang premium share paid na ilalagay sa isang trust fund na nasa pamamahala ng korporasyon.
Ang trust fund ay maaaring magamit para bayaran ang premium rebate o premium credit sa susunod na panahon ng pananim ayon sa board of directors.
Bilang suporta sa operasyon nito, ang PCIC ay maaaring makipag-ugnayan at magsilbing cooperating agencies sa gobyerno at pribadong sektor sa supervised credit program para sa mga magsasaka at mangingisda. Kinakailangan na gumawa ng polisiya at batas kaugnay sa mga layunin ng korporasyon.
Photo credit: Department of Agriculture Official Website