Isinumite ni Senador Jinggoy Estrada sa plenaryo ang panukalang Caregivers’ Welfare Act na naglalayong itatag ang mga patakarang magbibigay ng proteksyon sa mga karapatan ng mga nasa industriya ng caregiving sa bansa.
“Sa pagpasa ng Caregivers’ Welfare Act, binibigyan natin ng pagkilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga caregiver sa pambansang kaunlaran. Panahon na po upang alagaan natin ang ating mga tagapag-alaga at maprotektahan ang sektor ng ating mga caregivers,” aniya.
Sa kanyang pag-endorso para aprubahan ang panukala, inilatag ni Estrada ang mga benepisyo at patakaran para gawing isang propesyon ang caregiving.
Ayon sa kanya, sakop ng panukala ang mga lisensyadong professional health care provider, mga nakapagtapos ng caregiving courses o anumang kaugnay kurso at ang mga sertipikado ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na may kakayahan sa propesyong ito.
“We need to create a favorable working environment conducive and supportive to the welfare and interests of our caregivers. We are trying to establish an alternative choice for our caregivers where they are not forced to work overseas, endure the pain of being away from their families and loved ones, and take the many risks of working and living abroad,” dagdag ni Estrada.
Kasama sa consolidated version ng panukala ang mga patnubay sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng employment contract, pagsusumite ng pre-employment requirements, non-diminution of benefits, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagtatapos ng serbisyo, proteksyon ng mga namamasukan sa mga pribadong employment agency, settlement of disputes, tungkulin ng mga caregiver at mga pangunahing pangangailangan na dapat ibigay ng mga employer sa kanila.
Bilang pagtugon sa mga pamantayan na nakasaad sa Labor Code, sinabi ni Estrada na ang mga caregiver ay may minimum na walong oras ng trabaho, at ang lalampas na bilang ng oras sa trabaho ay babayaran bilang overtime.
Nakasaad rin sa panukala ang pagtatakda ng mga tungkulin para sa mga caregiver at kasambahay upang maiwasan ang posibleng overlap ng mga tungkulin nito. Â
“Kung ang isang kasambahay ay gumagawa ng tungkulin ng caregiver ngunit wala syang kaukulang National Certificate II na iniisyu ng Tesda, ang karampatang sahod niya ay dapat katumbas sa kasambahay maliban na lang kung gugustuhin ng employer na bigyan ng mas mataas na pasahod,” ayon kay Estrade.Â
Binanggit rin niya na kasama sa panukalang batas ang pagbibigay ng 13th-month pay, pagkakaroon ng annual service incentive leave na may bayad na hindi bababa sa limang araw, at mga benepisyo ng Social Security System, Philippine Health Insurance Corp., at Pag-IBIG (Home Development Mutual Fund).
“Sa ating pagtataguyod na mabigyan ng proteksyon ang mga karapatan ng mga caregiver at maisulong ang pagkakaroon nila ng disenteng trabaho at kita, tumutugon din tayo sa patakaran na magsisiguro ng kanilang proteksyon laban sa pang-aabuso, harassment, karahasan at economic exploitation,” dagdag ng mambabatas.
Photo credit: Technical Education and Skills Development Authority Official Website